Default Thumbnail

OFW, nasa puso ni Digong

April 8, 2022 Paul M. Gutierrez 304 views

PaulNITONG Abril 7, pinangunahan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang groundbreaking ceremony sa itatayong 10-palapag na gusali para sa Overseas Filipino Workers (OFW) Center sa Daang Hari, Las Piñas City. Ito ang magsisilbing one-stop shop para sa mga OFW upang hindi mahirapan sa kanilang pagpoproseso ng mga documento na kanilang kakailanganin.

Una nang nilagdaan ni Pangulong Duterte ang Republic Act 11641 na lilikha sa Department of Migrant Workers noong Disyembre 31, 2021. Patunay ito nang pagsisikap ng administrasyon na pangalagaan at proteksyunan ang ating mga OFW.

Nararapat lamang ito dahil bawat pamilya sa Pilipinas ay malamang may kaanak na nangingibang bansa o nasa ibang bansa upang may pantustos sa pangangailangan nila dito.

Malaking pakinabang din ito para sa ating mga kababayan dahil sa wakas ay matatapos na ang kanilang paghihirap para makapagtrabaho sa ibang bansa.

Malaki kasi ang tama ng Pangulo: “Pahirap” para sa mga kababayan natin ang pabalik-balik sa mga ahensiya ng gobyerno para sa kanilang mga dokumento.

Tandaan natin na marami sa mga ito ang nanggagaling pa sa mga probinsya, nangungutang lamang o nagsasangla ng mga ari-arian makapagproseso lamang ng mga dokumento sa Metro Manila.

At ang mga dokumentong ito ay pabalik-pabalik nilang ginagawa at sa usapin ng trapik sa Metro Manila, ilang araw nilang kailangang bunuin iyan.

Kapag minalas-malas, nabibiktima ng mga illegal recruiter at nagiging biktima pa ng red tape sa gobyerno ang mga OFW.

Kadalasan kailangan pang magpadulas para maiproseso ang kanilang mga dokumento o gumagamit ng mga fixer sa kagustuhang mapadali ang proseso ng kanilang mga dokumento.

Ang ganitong hakbang na magkaroon ng tiyak na ahensiya para sa OFWs ay malaking tulong at ginhawa sa kanila.

Nararapat lamang silang alagaan dahil alam natin kung gaano kalaki ang kanilang itinutulong sa ating ekonomiya. Sinasabing sila ang nagiging blood life ng ating ekonomiya dahil sa kanilang ipinapadalang dolyar.

At alam nating hindi rin biro ang nagiging buhay ng mga kababayan natin sa ibang bansa. Marami na tayong nabalitaan na minamaltrato, ginagahasa, nakukulong at pinapatay na OFW sa ibang bansa.

Kaya naman masasabi nating isa ito sa magagandang legacy ni Pangulong Duterte sa pagtatapos ng kaniyang termino.

Kahit na alam natin na marami pang problemang kinakaharap ang mga OFW pero sa hakbang na ito na ginawa ng Pangulo, talaga namang isang malaking ginhawa na sa kanila at makakapagtaas ng kanilang moral bilang mga bagong bayani ng ating bansa.

Kaya naman, well done and thank you Mr. President!

PS. Hindi pa nagsisimula ang Manila Mayoralty Candidates Forum na inorganisa ng National Press Club (NPC) at Federation of Filipino-Chinese Chambers of Commerce and Industry, Ind. (FFCCCII) habang binabasa ninyo ito, kaya hindi pa natin nagagawan ng ulat.

Kasama sa media partners ang inyong paboritong pahayagan– ang People’s Journal at People’s Tonight.

Ito ang “orig” na People’s Tonight, mga kabayan, Mag-ingat sa peke na ginagamit ngayon ng ilang kandidato, partikular sa Maynila, para magpropaganda pabor sa kanila.

Hayz! Bakit ba tuwing eleksyon, People’s Tonight ang paboritong “pekein” ng mga desperadong maluklok sa puwesto? Siyempre, tayo kasi ang bukod sa kilala, ay may kredibilidad pa!

AUTHOR PROFILE