
OFW nakalaya dahil sa P24K bail
GAPAN CITY–Nakalaya ang isang Overseas Filipino Worker (OFW) matapos magpiyansa ng P24,000 sa siyudad na ito noong Biyernes.
Ayon sa report, muntik nang makulong dahil sa paglabag sa Violation Against Women and Their Children Act (VAWC) ang 41-anyos na tubong Bgy. Banica, Roxas City, Capiz, at pansamantalang naninirahan sa 241 Cando St., Bgy. Poblacion, San Antonio, Nueva Ecija.
Ayon kay city police head Lt. Col. Wilmar M. Binag, isinampa ng kanyang estranged wife ang kaso laban sa kanya sa Capiz mahigit limang taon na ang nakararaan.
Napag-alaman na naghahabol ng sustento ang dating asawa ng OFW para sa kanilang anak.
Nasakote ang OFW, na sinasabing nakapagtrabaho na sa Samoa Islands sa loob ng 13 taon, sa isinagawang police operation sa Bgy. Bayanihan noong Huwebes ng bandang 12:15 ng hapon pero naipasok sa selda matapos magpiyansa.
Sinabi ni Officer-on-case S/Sgt. Wilson D. Mananggit na hindi alam ng OFW na may arrest order na inilabas ang korte laban sa kanya mula sa reklamong inihain ng kanyang dating asawa.
“Humihingi ng sustento ang kanyang dating asawa sa Capiz para sa kanilang anak at nalaman lang niya na may demanda siya matapos niyang umuwi sa Pinas,” sinabi ni Mananggit sa Journal Group.