Default Thumbnail

NURSERY, childcare facilities itatayo malapit sa pinapasukan ng public school teachers

January 15, 2024 Marlon Purification 136 views

Marlon PurificationMAGANDA itong isinusulong ng isang kongresista na magkaroon ng nursery at childcare facilities malapit sa pinagtatrabahuhan ng mga public school teachers.

Sa House Bill No. 9582 na inihain ni Las Piñas Rep. Camille Villar, layon nito ang paglalagay ng mga pasilidad sa pag-aaral kung saan ang mga bata ay maaaring makatanggap ng pangangalaga at edukasyon na naaangkop sa edad mula sa mga kwalipikadong propesyonal.

Paliwanag pa ng mambabatas, marapat lamang na maramdaman ng mga public school teachers na ang mga anak ng mga ito ay mabibigyan ng tamang pangangalaga habang nasa trabaho.

Ang nasabing mga pasilidad, na hindi hihigit sa isang kilometro mula sa paaralan kung saan nagtatrabaho ang mga guro, ay dapat idisenyo batay sa mga pamantayang itinakda ng Department of Education (DepEd), Department of Social Welfare and Development (DSWD) at lokal na pamahalaan.

Sinabi ni Villar na para matiyak na mahusay ang pagtuturo sa mga bata, ang school-based nursery at childcare facilities ay dapat pangasiwaan at subaybayan ng DepEd at DSWD.

“By establishing nursery and childcare facilities within the premises or within reasonable vicinity from the public schools, teachers will feel assured that their children receive the proper care while they are performing their functions,” sabi ni Villar.

Sinabi ng mambabatas mula sa Las Piñas na isang taunang pagsusuri ang isasagawa ng DepEd at ng DSWD upang masuri ang bisa, affordability, at accessibility ng mga pasilidad sa pangangalaga ng bata, subaybayan ang pagbibigay ng serbisyo, at tukuyin ang mga lugar para sa pagpapahusay ng serbisyo.

“This measure seeks to recognize the valuable role teachers play in molding future generations and to support their work-life balance effectively,” ayon sa kongresista.