
Nigerian nang-angkin ng cellphone, kulong
SWAK sa selda ang 28-anyos na Nigerian national nang pag-interesan ang nalaglag na cellular phone ng estudyante noong Miyerkules sa Paranaque City.
Inireklamo sa barangay ni alyas Gilead, 10, ang suspek na si alyas Chimaraok ng Sto Domingo, Palmera Homes, Angeles City, Pampanga dahil inaangkin ang kanyang Vivo Y 36 cellular phone na nalaglag ng bata.
Sa imbestigasyon ng Don Bosco Sub-Station ng Paranaque police, dakong alas-11:34 ng gabi nabitiwan ni Gilead ang cellphone habang sakay ng tricycle sa Saint Francis St. San Agustin Village, Brgy. Moonwalk.
Bumaba ng tricycle ang bata at doon nakita niya na hawak na ng dayuhan ang kanyang cellphone.
Nang kukunin na niya ayaw ng ibigay at ipinipilit na sa kanya ang gadget kaya nagsumbong siya sa mga nagrorondang barangay tanod.
Iginiit pa rin ni Chimaraok sa mga barangay tanod na sa kanya ang cellphone kaya’t itinawag na ng barangay sa mga pulis ang pangyayari.
Doon na natuklasan na pinag-interesan ng dayuhan ang gamit ng bata na dahilan para siya arestuhin.
Iprinisinta ng pulisya ang dayuhan sa Paranaque City Prosecutor’s Office para sa inquest proceedings kaugnay isasampang kasong pagnanakaw sa ilalim ng Article 208 ng Revised Penal Code.