
New batch ng OFWs na hindi napasweldo mababayaran na–DMW
MAY bagong batch ng displaced overseas Filipino workers (OFWs) mula sa Saudi Arabia ang inaasahang makatatanggap na ng unpaid wages at iba pang benepisyo mula sa bankrupt construction companies, ayon kay Department of Migrant Workers Secretary Hans Leo Cacdac.
Tinalakay ang development ng pagbabayad sa unpaid claims sa pulong sa pagitan nina Secretary Cacdac at Minister Ahmad bin Sulaiman Alrajhi ng Saudi Ministry on Human Resources and Social Development (MHRSD) noong Hulyo 15 sa Riyadh.
Sinabi ni Cacdac na nakahanda na ang mga tseke para sa kabayaran sa claims ng 2,500 workers na umaabot sa 130 million Saudi Riyal (P1.95 billion).
Kabilang dito ang 1,375 workers na nakatanggap na ng kabayaran na umaabot sa 70.6 million Saudi Riyal (P1.098 billion).
Nakikipag-ugnayan na ang DMW sa Saudi MHRSD para sa mga susunod pang release ng iba pang kabayaran sa mga susunod na buwan.
Binigyang-diin ni Cacdac na nagkasundo na ang dalawang panig para rebisahin at i-renew ang bilateral labor agreements at safe labor mobility para sa OFWs na kinuha para sa development projects ng Saudi Arabia.