Default Thumbnail

Negosyante nag-amok; tiklo sa baril sa Balayan

May 8, 2023 Jojo C. Magsombol 238 views

ARESTADO kamakailan ng mga pulis ang isang nag-amok umano na negosyante at sa pagpapaputok ng baril sa isang pistahan sa Barangay Dalig, Balayan, Batangas.

Ayon sa hepe ng Balayan Municipal Police Station (MPS) na si P/Maj Domingo D. Ballestros Jr., ang suspek ay isang 45-anyos na negosyante at residente ng Bgy. District 12, Balayan, Batangas.

Nakatanggap ang istasyon ng pulisya ng tawag mula sa isang mamamayan na inireport ang pag-aamok ng suspek sa nasabing lugar.

Lumalabas sa inisyal na imbestigasyon, ang mga residente ng Bgy. Dalig ay masayang nagdiriwang ng kapistahan ng Saint Nuestra Señora Dela Paz, ang patron ng kanilang barangay.

Nang walang anu-ano’y dumating ang suspek bitbit ang isang maiksing baril at biglang nag-amok sa gitna ng kalye ng barangay, ayon sa pulisya.

Isang Suzuki Multicab na pag-aari ng isang babae, at residente ng Bgy. Dao, Balayan, Batangas na nakaparada sa kalye ang sinuntok ng suspek na naging sanhi ng bahagyang pagkabasag ng windshield.

Pagkatapos ay nagpaputok ang suspek ng ilang beses gamit ang isang kalibre 9mm Glock 19 pistol na nagdulot ng kaguluhan diumano sa lugar.

Nakita ng mga rumespondeng pulis ang suspek habang nanggugulo at nagawang patahimikin at arestuhin ang nasabing suspek.

Nakumpiska mula sa kanya ang isang 9mm Glock 19 Austria pistol, na may kasamang isang magazine na may kargang isang bala, basyo ng bala ng 9mm, at Toyota RAV4 na pag-aari ng suspek na kung saan nadiskubre pa ang isang Armscor kalibre 9mm pistol at isang magazine nito.

Nahaharap sa mga kasong malicious mischief, illegal discharge of firearm, alarm and scandal, at ng violation of RA 10591 (Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act) ang negosyante.

AUTHOR PROFILE