Default Thumbnail

NBI Clearance on-line

June 21, 2021 Marlon Purification 623 views

Marlon PurificationNGAYONG panahon ng pandemya, namulat ang lahat sa pangangailangan ng mas mabilis na proseso sa bawat transaksyon.

Ito ay sa mga government establishment man o maging sa pribadong mga tanggapan.

Kaya naman, pabor na pabor tayo sa naging aksyon ngayon ng National Bureau of Investigation (NBI) para sa renewal ng NBI clearance na hindi na kinakailangan pang umalis ng bahay ng mamamayan.

Ang mga aplikante ng NBI Clearance ay maaaring mag-renew at magbayad sa pamamagitan ng kanilang na https://clearance.nbi.gov.ph/.

Sa sistemang ito, may opsyon ang aplikante na i-claim ang dokumento mula sa sa NBI Clearance Center, o magtalaga ng taong kukuha nito o kaya naman ay door-to-door delivery service.

Sa mga nais ng delivery service, asahang aabutin ng tatlo hanggang pitong araw ang pagdedeliver sa Metro Manila at Luzon habang pito hanggang 10 araw sa Visayas at Mindanao.

Gayunman, ang mga taong may ‘hit status’ ay dapat pa ring personal na magtungo sa NBI office upang maberipika kung mayroon itong criminal record o wala.

“Through our new online portal, more Filipinos will find it much easier to obtain the NBI Clearance that they need,” pahayag ni NBI Deputy Director Ferdinand Lavin.

“With the ongoing pandemic, the public will find it more to their advantage and safety to renew their NBI Clearance online instead of going out and opting for a face-to-face transaction,” dagdag pa ni Lavin.

Tiniyak din Lavin sa publiko na anumang datos na isusumite sa NBI ay mananatiling safe at secure.

Base umano ito sa mariing direktiba ni NBI office-in-charge Director Eric Distor na hindi dapat magkaroon ng problema sa pagkuha ng clearance lalo’t kakaiba ang sitwasyon ngayon likha ng pandemya.

Ani Distor, ang inobasyon para sa pagkuha ng NBI clearance ay bahagi ng modernisasyon na isinagawa nila sa ahensiya.

Paraan din upang mabawasan ang red tape na sinasamantala ng ilang fixer, habang may malaking sindikato rin ang gumagawa ng mga pekeng NBI clearance.

Sa bagong sistemang ito, ayon sa magiting na NBI director, ay makaasa ang ating mga kababayan na hindi na sila kailangang pumila pa ng mahaba, magbilad sa init ng araw o magpaulan para lamang makakuha ng NBI clearance na gamit sa paghahanap ng trabaho lokal man o abroad.

Binigyang-diin ni Distor na handa pa rin silang tumanggap ng reklamo at sumbong kung sakali namang magkaroon ng aberya o kapalpakan sa pagkuha ng NBI clearance.

Ang lahat ng ito, ayon pa sa opisyal, ay upang iparamdam sa lahat na ang NBI ay kakampi hindi lamang sa pagsugpo sa krimen, kundi kalasag din sa pagbibigay ng maayos na serbisyo publiko.

Pinahahalagahan din ng pamunuan ni Distor ang kalusugan ng ating mga kababayan – bagay na lalong nakahahanga ngayon sa buong organisasyon ng NBI.