Default Thumbnail

Gov’t projects inabandona

June 21, 2021 Allan L. Encarnacion 775 views

Allan EncarnacionKUNG minsan, magtataka ka rin kung bakit may mga pulitikong mahal na mahal ang kanilang sarili sa totohanan pero kapag kampanyahan, first love daw nila ang mga mamamayan.

Ganito ang ugali ng dalawang pulitiko na ating tatalakayin ngayon.

Iyong isa, sobrang mahal na mahal ang kanilang pamilya kaya nagpatayo ng family foundation para paglaanan ng annual budget na P72 million mula sa pondo ng gobyerno. Beterano si pultiko, katunayan, lahat ng naging Presidente ng bansa ay sinipsipan nito.

Bukod sa family foundation, sobrang protektado nito ang kanilang pamilya dahil ayaw niyang mangyari sa kanila ang tsunami.

Kaya ang ginawa ni pulitiko, naglaan ng P300 milion worth ng budget mula sa pamahalaan para naman maglagay ng breakwater o dike na proteksiyon ng kanilang family resort cum mansion sa lalawigan.

Kaya sa tuwing humahataw ang bagyo at humahampas ang malakas na alon sa kanilang shoreline, palagok-lagok lang ng tuba si pulitiko samantalang ang bahay ng kanyang mga kababayan ay tinatangay ng malakas na agos ng dagat.

Kaya nga puwedeng bigyan ng greatest lolo and father of all time award si pulitiko dahil protektado ang kanyang mga anak at apo pero pinalalamon sa alon ang kanyang mga kababayan.

Ito namang isang politiko, nagpasimula ng proyektong convention center, palengke at kalsada sa kanilang lalawigan. Pero habang ginagawa ang kanyang mga proyekto na gamit ang pondo ng gobyerno, sinimulan din niya ang resort ng kanyang kapatid.

Tuwang-tuwa ang kanyang mga kababayan sa lalawigan kasi iyong mga maputik at malubak na kalsada ay magagawa na, magkakaroon na rin sila ng maayos na palengke at sa kauna-unahang pagkakataon, may itatayo ring convention center sa kanilang lugar.

Ang problema, makalipas ang mahigit dalawang taon, nakatiwangwang pa rin ang convention center, ang palengke at ang mga kalsadang binungkal at inabandona.

Pero pinupuri naman nila si politiko kasi natapos na ang world-class resort na kahit paano’y nagkaroon ng tourist attraction sa kanilang lugar.

Sana lang ay madala na kayong mga nasasakupan nila politiko, kasi ang balita namin puro kapamilya rin ng mga ito ang kakandidato sa kanilang lugar sa 2022.

Ibasura nyo na yang mga basura nyong pulitiko!

[email protected]