Halalan

Napapanahon

May 10, 2023 People's Tonight 358 views

SA isang buwan ay makukompleto na ang unang taon ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” R. Marcos Jr.

Bago ang petsang ito ay inaasahang iuupo ni Pangulong Marcos sa kanyang Gabinete ang ilang magagaling na politiko na natalo noong nakaraang Mayo 9 national and local elections.

Marami ang nagsasabi, kasama na ang mga ordinaryong mamamayan sa bansa, na “timely” o napapanahon ang pagtatapos ng one-year ban sa paghirang ng mga talunang politiko.

Bago umalis papuntang Indonesia ay sinabi ni Pangulong Marcos na tapos na ang isang taong OJT (on the job training) ng mga taong iniupo niya sa ibat-ibang opisina ng gobyerno.

Si Pangulong Marcos ay dadalo sa tatlong araw (May 10-12) na 42nd Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) Summit sa Labuan Baju sa Indonesia.

Hindi muna binanggit ng Ilocanong Punong Ehekutibo mula Ilocos Norte ang mga pangalan ng mga itatalaga niyang talunang kandidato sa kanyang “Official Family.”

Kagaya ng mga naunang pahayag ni Pangulong Marcos, ang mahalaga sa isang lingkod-bayan ay siya ay mahusay, maaasahan at handang magsilbi sa bayan at taumbayan.

At huwag nating kalimutan na ang kailangang-kailangan natin ngayon ay mga tapat at magagaling na lider “to ensure that we succeed in our economic recovery efforts.”

Kagaya ng ibang bansa sa buong daigdig, ang Pilipinas ay pinadapa ng nakamamatay na coronavirus disease 2019 (COVID-19) nitong nakaraang dalawang taon.

Kaya nararapat lamang na ibalik ni Pangulong Marcos sa gobyerno ang mga mahuhusay at dedicated na lingkod-bayan na hindi pinalad manalo noong nakaraang halalan.

Sabi nga sa English, “it is a move in the right direction.”

AUTHOR PROFILE