
Nangyayari ang pang-aapi sa loob ng ating teritoryo!
WALA talagang puso ang mga nagpaparating ng mga pagkaing puwedeng makasama sa kalusugan ng mga kababayan natin.
Ito ang mga imported agricultural products, kasama ang mga prutas, na walang mga kaukulang papeles.
Isa pa, puwedeng may mga dalang sakit ang mga produktong ito na makakaapekto sa mga pananim ng mga magsasaka natin.
Ang lahat ng imported agricultural products ay kailangang magkaroon ng Sanitary and Phytosanitary Import Clearance (SPSIC) mula sa DA-Bureau of Plant Industry (BPI).
Kaya tama ang ginawa ng Bureau of Customs (BOC) at DA na pagkumpiska sa imported oranges na walang SPSIC.
Ang mga oranges na nagkakahalaga ng P8.422 milyon ay galing ng Thailand.
Dahil unfit for human consumption ang oranges ay kailangang sirain ang mga ito, ayon sa Manila International Container Port (MICP).
May standing order si Customs Commissioner Bienvenido Y. Rubio sa mga district collector ng BOC na siguruhing walang makapapasok na kontrabando sa bansa.
Sa totoo lang, ito ang isa sa mga utos ni Pangulong Marcos sa BOC nang maupo siya sa Malakanang noon Hunyo 2022.
Ang gusto niya ay tuldukan na ang ismagling sa bansa.
***
Hindi na maganda ang nangyayari sa West Philippine Sea (WPS).
Bakit binabangga ng mga barko ng China ang ating mga sasakyang pandagat sa loob ng ating sariling teritoryo?
Ang masakit pa, nangyayari ang mga pang-aaping ito sa ating bakuran.
Ano kaya ang talagang gusto ng China at ginagawa ang mga harassment na ito sa atin?
Sa atin lang naman ginagawa ito ng higanteng China. Mukhang ayaw nilang gawin ito sa Vietnam, Malaysia at Indonesia.
Mahirap humantong sa giyera ang nangyayari sa West Philippine Sea. Walang mananalo sa giyera. Pero wala ba tayong magagawa para matapos ang gulo sa nasabing lugar?
Sana may magawa ang United Nations (UN) para mabigyang solusyon ang sigalot na nagbibigay ng sakit ng ulo natin.
Wala ba tayong magagawa? Tama bang maghintay na lang tayo kung ano ang susunod na gagawin ng China?
***
Apat na buwan na lang at matatapos na ang kasalukuyang taon.
Sampung buwan na lang at matatapos na ang panunungkulan ng mga lokal na government officials na kinabibilangan ng mga kongresista, gobernador at alkalde.
Sa tingin natin, wala ng gagawin ang mga lingkod-bayan na ito kundi mangampanya dahil palapit ng ang 2025 elections.
Sa totoo lang, pati 2028 presidential elections ay pinag-uusapan na rin. Talagang bayan tayo ng mga “election-crazy people.”
Wala na tayong ginawa kundi mamulitika at napapabayaan natin ang mga mabibigat na problema sa ating bansa.
Nakakaawa naman tayo. Puro politika na lang ang pinag-uusapan natin.
(Para sa inyong komento ar suhestiyon, mag-text sa #0917-8634484/[email protected]. Ilagay lang ang buong pangalan at tirahan.)