Knife

‘NAMBASTOS’, TINODAS

November 20, 2023 Melnie Ragasa-limena 187 views

PINAGHAHANAP ng pulisya ang suspek na nakapatay umano sa kaniyang katrabaho na nag-ugat diumano sa pambabastos ng biktima sa kapatid na babae ng suspek sa Lungsod ng Quezon.

Dead on the spot ang lalaking biktimang edad 33-anyos.

Ayon sa pulisya, nangyari ang insidente alas-6 ng umaga noong Lunes nang matagpuang wala nang buhay ang biktima sa isang carwash sa Pontiac Street, Barangay Greater Fairview sa Quezon City.

Nagtamo ang biktima ng maraming saksak sa iba’t ibang bahagi ng katawan.

Itinuturo namang suspek ang 23-anyos na lalaki na kasamahan sa trabaho at residente ng Lumantad Compound sa Bgy. Greater Fairview.

Bago ito, nabatid sa pagsisiyasat ni PSSg. George Caculba ng Quezon City Police District-Criminal Investigation and Detection Unit na isinumbong ng babae sa kaniyang kapatid na suspek ang umano’y pambabastos ng biktima habang naglalakad sa Regalado Street sa Quezon City kamakailan.

Agad na pinuntahan ng suspek ang biktima sa pinagtatrabahuhan at pinagsusuntok. Naawat at napagkasundo naman ang dalawa ng kanilang employer.

Nitong Linggo ng gabi, nag-iinuman ang dalawa nang kursunadahin ng biktima ang suspek at muling maungkat ang pambabastos ng una sa kapatid ng huli.

Hindi na umano nakapagpigil ang suspek at inundayan ng saksak ang biktima.

Nakita rin sa kuha ng CCTV na ang suspek ang huling kausap ng biktima bago mangyari ang krimen.