
Tigil pasada ‘di ramdam sa Maynila
DAHIL sa ipinaiiral ng lokal na pamahalaan ng Maynila na libreng sakay, na ipinagutos ni Manila Mayor Honey Lacuna-Pangan kay Manila Police District (MPD) Director PCol. Arnold Thomas Ibay, hindi gaanong naapektuhan ang biyahe nitong Lunes.
Sinabi ni Lacuna kay Ibay na magtalaga ng mga sasakyan habang nagsasagawa ng transport strike sa Lungsod ng Maynila, Lunes ng umaga.
Dahil dito, 100 na e-trike ang pinangasiwaan ng Manila Traffic and Parking Bureau, 15 sasakyan naman ang itinoka ng MPD, habang anim ang sa Manila Disaster Risk Reduction and Management Office.
Samantala, hindi gaanong naparalisa ng transport strike ang biyahe. Nagsimula ang tigil pasada ng bandang alas-6 ng umaga.
Maliban kasi sa mga sasakyan na libre, patuloy ang biyahe ng Light Rail Transit o LRT line 1 mula Baclaran hanggang Balintawak Station at vice versa.
Ayon kay Police Major Philipp Ines ng Public Information Office sa ilalim ng MPD, nagiikot ang mga sasakyan na nag-aalok ng libreng sakay sa iba’t ibang lugar sa Lungsod ng Maynila, lalo na sa mga lugar na maaapektuhan ng transport strike.