Paul Gutierez

Nakamit nga ba ng pamilya ni Jemboy ang hustisya?

February 29, 2024 Paul M. Gutierrez 79 views

GUILTY sa kasong homicide ang isa sa anim na pulis na akusado sa pagpatay sa 17-anyos na si Jemboy Baltazar na napagkamalan lang na suspek sa isang police operation sa Navotas noong Agosto 2023.

Pero bakit kakaiba ang hinaing ng pamilya ni Jemboy, na tila hindi nakamit ang hustisya sa kabila ng hatol na guilty sa mga akusado?

“Yun lang po ba yung halaga ng buhay ng anak ko? Siya, apat na taon lang makukulong. ‘Yung anak ko, habambuhay nang wala?,” hinagpis ni Aling Rodaliza Baltazar, ang ina ni Jemboy.

Dagdag naman ng ama ni Jemboy, hindi lang sila nawalan ng anak, bagkus ay nawalan ng katuwang sa paghahanapbuhay at pagtataguyod ng kanilang pamilya.

Kapag nakarinig tayo ng kaso ng pagpatay, murder o homicide agad ang pumapasok sa isip natin. At s’yempre, mabigat na parusa ang inaasahan.

Pero kabaliktaran ang naging resulta sa kaso ni Jemboy. Apat hanggang anim (4-6) taon lamang ang sentensya sa isa sa mga akusadong pulis na guilty sa kasong homicide. Batay sa ating Revised Penal Code, Reclusion Temporal o kulong na 12-20 taon ang prison term sa naturang kaso.

Ang orihinal na kasong isinampa ay murder. Ang nakapagtataka, ibinaba na nga ng judge sa homicide ang kaso, napakababa pa ng naging sentensya. Kung iisipin, parang nagnakaw lang ng cellphone ang kaso, batay sa naging hatol. Hehehehe.

Kaya hindi natin masisi ang mga magulang ni Jemboy sa kanilang sentimyento. Saan ka nga naman nakakita na nakapatay at guilty, tapos maximum na anim na taon lang ang hatol na kulong?

Ang tampulan tuloy ng biruan ng mga may kinakaharap na kaso, sana daw ay mapunta ang kaso nila sa sala ng hukom na humatol sa kaso ni Jemboy. Dahil “mabait” daw ang judge – na kung suswertehen ka. ay baka nga abswelto pa!

Speaking of abswelto, isa pala sa mga akusado sa pagpapatay kay Jemboy ang pinawalang-sala, habang ang apat na iba ay parang abswelto rin dahil ang naging hatol lamang ay apat buwan pagkabilanggo sa kasong illegal discharge of firearms. Laya na agad ang apat dahil mahigit apat na buwan na silang nakakulong matapos sumuko noong mapatay si Jemboy. Kumbaga, binuno na nila ang sentensya.

Marahil, maging ang Department of Justice (DOJ) ay may nakitang “butas” sa naging hatol dahil mismong si Justice Secretary Boying Remulla ay nag-utos na aralin ang kaso at magsampa ng apela sa Court of Appeals.

Ang ikinababahala natin, na huwag sanang mangyari, ay baka maging precedent ang naging hatol na ito. Kumbaga, baka gamiting argumento ng ibang mahahatulan sa kasong homicide na dapat ay gan’un din lang din kababa ang sentensya. Kumabaga, sakaling mahatulan ng 12-20, ay aapela at gagamitin basehan ang naging hatol sa kaso ni Jemboy. Huwag naman sana…

At sana ay naisip din ni Judge ang mga posibleng maging implikasyon sa iginawad niyang “malambot” na sentensya.

AUTHOR PROFILE