Default Thumbnail

NAIA kailangan talaga ng pagbabago

May 30, 2022 Paul M. Gutierrez 384 views

PaulPINALAGAN ng Department of Transportation (DOTr) ang pagturing sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) bilang ‘world’s worst airport’ para sa business class travelers mula sa pag-aaral ng isang American luggage app.

Nakakuha kasi ang NAIA ng 0.88/10 business class score at sa 38 mga paliparan sa buong mundo na kalahok sa nasabing pag-aaral, pang-38 ang NAIA. Ibig sabihin pinakakulelat, araguy!

Pumalag ang DOTr dahil hindi umano destination airport ang NAIA at hindi isang hub airport kaya walang masyadong business class lounges dito.

Palusot, err, dagdag pa ng DOTr, sa ginawa nilang masusing pananaliksik,sa website ng businessclass.com, wala umanong reviews o kahit ratings na tungkol sa NAIA.

At pagdating naman sa bilang ng mga destinasyon, idinidikta umano ito at tinutukoy sa pamamagitan ng bilateral at air services negotiations. Sa madaling salita, wala sa DOTr ang kontrol dito.

At syempre, ipinagmalaki ng DOTr na sa ilalim ng pamumuno ni Pangulong Rodrigo Duterte at DOTr Secretary Arthur Tugade ay nawala na ang problema sa “laglag-bala,” “bukas bagahe” at iba pang extortion scheme na ilang taong sumisira sa reputasyon ng NAIA.

Maaaring may punto ang DOTr sa pagpuna nito kung paano nasabing worst airport para sa business class travelers ang NAIA. Pero, harapin natin ang katotohanan na hindi ka naman talaga “mapapa-wow” sa NAIA, kahit sa mga kapitbahay nating bansa katulad ng Hongkong, China, Singapore, Malaysia, Thailand at kahit pa nga ang bagong airport sa Hanoi, Vietnam.

At sa totoo lang, kung mapupunta tayo sa iba’t ibang airport sa buong mundo maaawa ka po sa kalagayan ng NAIA. Aber, sa ganda ng mga airport sa mainland China, mistulang “provincial airport” lang ang NAIA at hindi “premier entry point to the Philippines,” sa totoo lang!

Ang nakakalungkot ay ito ang bumubungad sa mga dayuhan na napupunta sa ating bansa.

Isa sa repleskyon ng ating bansa ang ating airport.

Kung hindi ito nagiging maganda para sa ating mg Pilipino papaano pa sa mga dayuhan? Opo, nagagawa pa rin naman po ng NAIA ang trabaho nito at masasabi naman nating hindi ito bagsak sa performance pero hindi po natatapos doon ang kailangang gawin.

Bagamat sinabi ng DOTr na gagawin nilang inspirasyon ang naturang reviews para pagbutihin pa ang mga pasilidad at paliparan at mabigyan ng mas maginhawa at ligtas ang biyahe ang publiko pero ngayon lang kayo nagkaroon ng inspirasyon? Ganern?

Aber, kung hindi pa ba dumating yang reviews na yan hindi pa ba kayo magkakaroon ng inspirasyon na ayusin ang NAIA?

Kinikilala natin ang mga nagawa ng kasalukuyang administrasyon at pamunuan ng DOTr pero kasama po sa trabaho natin ang mapaganda at maayos ang mga paliparan.

Alam po natin na kakailanganin ng budyet para dito at talaga namang luma na rin ang NAIA kung tutuusin. Pero ano ba kaya ang mga nagawang plano ng kasalukuyang pamunuan ng DOTr ni Sec. Art Tugade para sa pagpapaganda at pagpapaayos ng NAIA?

Ipagpalagay na po natin na mayroon nga, at naniniwala naman po talaga tayo na mayroon pero gaano po tayo naging kasigasig para maitulak iyan at maaksyunan ng Pangulo?

Sa totoo lang, hindi lang physical improvement ang kailangan d’yan sa NAIA.

Ang unang “problema” ng NAIA ay ang pangalan nito na “inialay” sa pangalan ng isang kilalang traydor sa bayan at mamamayan na si Ninoy Aquino, kaya paanong hindi mawawala ang “negative vibes” sa ating airport, aber?

AUTHOR PROFILE