Posas

Nagnenok ng P1.5M steel piles hina-hunting sa Batangas

December 21, 2023 Jojo C. Magsombol 123 views

ISANG checker ang inaresto ng mga pulis kamakailan habang dalawa pa ang hinahanap matapos tangayin ang mga steel piles na umaabot sa mahigit P1.5 milyon mula sa shipyard sa Brgy. Pinagtung-ulan, San Jose, Batangas.

Nakilala ang suspek na naaresto na isang 25-anyos na checker at residente ng San Mateo San Pascual, Batangas.

Samantala, tinutugis pa ang dalawang kasama niya na sina alyas Jaylord, 36, driver ng kompanya at residente ng Brgy. Aguila, San Jose, at isang 28-anyos na helper at stay-in sa Brgy. Pinagtung-ulan.

Kinilala ang biktima na si Anna Liza Malbog Antioqua, 40, logistics officer ng VRP Patron Builders and Developers Corp. at residente ng Brgy. Pinagtung ulan.

Bandang alas-4:25 ng hapon nang ireport sa mga pulis ang nasabing insidente.

Ayon sa logistics officer, maaring ninakaw ng mga suspek ang 110 steel sheet pile at 14 na scrap steel sheet pile mula sa shipyard ng kompanya.

Humigit-kumulang sa P1,552,320 halaga ng mga ninakaw, ayon sa officer. Hindi binanggit sa report kung narekober ang mga ninakaw na mga bakal.

AUTHOR PROFILE