
Mt. Kanalon posibleng sumabog ulit
POSIBLE umanong sumabog uli ang Mt. Kanlaon matapos ang pagsabog nitong Martes ng umaga.
Gayunman, sinabi ni Phivolcs Director Teresito Bacolcol na nananatiling nasa ilalim ng Alert Level 3 ang Kanlaon, na nangangahulugan na posible ang isang mapanganib na pagsabog.
Ayon kay Bacolcol, maaari pa rin umano itong masundan ng mga short-lived explosive eruptions o mas malakas pa.
“In fact, the eruption that we saw this morning is a repeat of what we saw last December 9. Pwede pong magkaroon ng lava flow. Isa yan sa mga scenarios na tinitingnan natin,” paliwanag niya.
Inilarawan ni Bacolcol ang isang posibleng pagsabog na “highly violent and powerful,” na dulot ng mabilis na paglabas ng gas at pressure na may abo, gas at pyroclastic currents. Dahil sa posibilidad na ito, hindi inaalis ang magmatic eruption.
Sa kabila nito, nilinaw niya na ang mga nakaraang pagsabog ng Kanlaon ay phreatic at ang huling beses na naglabas ng lava ang Kanlaon ay noong 1902.
Dahil sa patuloy na aktibidad ng bulkan, sinabi ni Bacolcol na posibleng itaas ng ang alert level ng Kanlaon mula Level 3 hanggang Level 4, at palawakin ang danger zone sa 10 kilometro.
Pinaalalahanan din ng opisyal l ang mga residenteng nakatira malapit sa Mt. Kanlaon na lumayo sa anim na kilometrong danger zone, at makinig sa mga payo mula sa mga local government units at ahensya ng gobyerno.