
MRT pasahero nagbirong may dalang granada, kulong
INARESTO ng pulisya ang isang lalaki matapos umanong magbiro na may lamang granada ang kaniyang bag nang dumaan sa security inspection bago sumakay ng MRT Araneta Cubao Station.
Nasa kustodiya ng Cubao Police Station (PS-7) ang suspek na taga Masbate na nahaharap sa kasong paglabag sa PD 1727 o Anti-Bomb Joke Law.
Ayon sa report, nangyari ang insidente pasado alas otso ng umaga noong Setyembre 12, 2023.
Papasakay na umano ng MRT ang suspek pero bago ito ay dumaan siya sa security check.
May nakita umanong maliit na box ang mga security guard ng MRT sa loob ng kaniyang bag.
Sinabi umano ng suspek na “MAY GRANADA DIYAN SA LOOB SASABOG YAN”
Dahil sa simpleng biro ay agad siyang inaresto ng mga security personnel ng MRT.
Sa bisa ng Presidential Decree No. 1727 o Anti-Bomb Joke Law, bawal ang mga naturang biro sa mga pampublikong lugar gaya ng mga airport, pier, at istasyon ng bus at tren dahil maaari itong pagmulan ng kaguluhan.
Ang parusa sa nasabing biro ay pagkakakulong umanong aabot sa limang taon at multa na hindi hihigit sa P40,000.