Default Thumbnail

Monthly allowance ng mga estudyante nilagdaan na ni Isko

May 28, 2022 People's Tonight 558 views

INIANUNSIYO ni Mayor Isko Moreno ang paglalabas ng pondong inilaan sa pagkakaloob ng buwanang allowance ng mga estudyante sa senior high school at kolehiyo na nag-aaral sa mga pampublikong paaralan at pamantasan sa Lungsod ng Maynila.

Sa kanyang pag-uulat na ginawa Biyernes ng hapon sa “The Capital Report” na napapanood sa kanyang opisyal na Facebook page, sinabi ng alkalde na nilagdaan na niya ang paglalabas ng P3,422,500 bilang allowance ng may 6,109 na estudyante sa senior high school o Grade 12 na nag-aaral sa iba’t-ibang pampublikong high school sa Maynila para sa buwan ng Abril at Mayo.

Ang unang batch naman ng 530 estudyante sa senior high school sa Universidad De Manila (UdM), ayon kay Mayor Isko, ay makakatanggap din ng kanilang P500 buwanang allowance para naman sa buwan ng Enero hanggang Abril matapos niyang lagdaan ang paglalabas ng kabuuang P1,160,000.

Sa may 11,158 namang mga estudyante sa kolehiyo sa UdM, sinabi ng alkalde na matatanggap na rin nila ang tig-P1,000 buwanang allowance mula sa buwan ng Pebrero hanggang Abril dahil nalagdaan na rin niya ang paglalabas ng nakalaang pondong nagkakahalaga ng P33,610,000.

Ang paglalabas ng pondo para sa buwanang allowance ng mga estudyante ay nakabatay sa inilabas na Ordinance No 8678 ng Sangguniang Panlungsod na nag-aatas sa lokal na pamahalaan ng Lungsod ng Maynila na magkaloob ng P1,000 buwanang allowance sa mga kuwalipikadong estudyante ng Pamantasan ng Lungsod ng Maynila (PLM) at sa UdM at P500 buwanang allowance naman sa mga senior high school na nag-aaral sa mga pampublikong paaralan sa lungsod na nilagdaan ni Mayor Isko nang maupo bilang alkalde.

Ayon sa alkalde, ang pagkakaloob ng allowance sa mga kuwalipikadong estudyante ay isang paraan upang tulungan sila sa kanilang mga gastusin habang nagsisikap na makatapos ng pag-aaral.

“Alam ko po ang pakiramdam ng isang estudyante na libre nga ang eskuwela ngunit wala namang baon, walang pamasahe, dahil mahirap lamang ang kanilang mga magulang kaya minabuti ng pamahalaang lungsod na ipatupad ang bagong batas na ipinasa sa panahon ng inyong lingkod,” pahayag ni Mayor Isko.

Pinayuhan din niya ang mga estudyante na gamitin sa wastong pamamaraan ang paggastos sa salapi ng bayan na ipinagkaloob sa kanila ng lokal na pamahalaan para na rin sa kagustuhang magkaroon sila ng magandang kinabukasan sa pamamagitan ng edukasyon. Ni Edd Reyes

AUTHOR PROFILE