
MOA ng BoC, LTO susupilin ang ismagling ng sasakyan
MUKHANG matatagalan pa ang pagbabalik natin sa normal na pamumuhay.
Hindi naman kaila sa ating lahat na nananatili ang banta ng COVID-19.
At kagaya sa ibang bansa, ang kinatatakutan ngayon sa Pilipinas ay ang “Delta” variant ng COVID-19.
Matindi ang dating ng strain na ito. Mabilis makahawa at nakamamatay din.
Kaugnay nito, muling inilagay ng pamahalaan ang Metro Manila at ilang lugar sa sa bansa sa mas mahigpit na Enhanced Community Quarantine (ECQ).
Kung mapapansin nga natin, patuloy na tumataas araw-araw ang kaso ng COVID-19 sa bansa.
Kung hindi makiisa ang taumbayan na sumunod sa itinakdang safety protocols ng mga otoridad, baka mas matindi pa ang abutin natin sa mga darating na araw.
Ipagdasal natin na huwag naman sana tayong magaya sa India na kung saan-saan na lang sinusunog ang mga bangkay ng mga biktima ng COVID-19 dahil sa dami ng namamatay araw-araw.
Isa pang malaking problema ay saan kukuha ang gobyerno ng perang gagamitin sa patuloy na paglaban sa pandemya?
Sa kasalukuyan, namimigay na naman ang pamahalaan ng “ayuda” sa mga lugar na sakop ng ECQ.
Pero hanggang kailan ito kakayanin ng gobyerno?
Ang masakit , karamihan sa perang ginagastos ng pamahalaan ay inutang lang natin upang tustusan sana ang iba’t ibang proyekto.
Pagbalik natin sa normal, tayong lahat na mga Filipino ang magbabayad ng nga inutang na ‘yan ng gobyerno.
Kaya muli tayong nakikusap sa ating mga kababayan, lagi tayong magsuot ng face mask at face shield. Ugaliin ang laging paghuhugas ng kamay.
Iwasan na munang lumabas kundi rin lang bibili ng pagkain o gamot.
May mga ulat kasi na sumasama na ang virus sa hangin.
Huwag na nating dagdagan ang hirap na nararanasan natin.
***
Pati si Pangulong Rodrigo Duterte ay aminadong mahirap mawala ang korapsyon sa bansa.
Nandyan pa rin ang mga magnanakaw sa gobyerno.
Siguro panahon na para magpasa ng batas ang Kongreso na magpataw ng mas mabigat na parusa sa mga magnanakaw ng pera ni Juan dela Cruz sa panahon ng pandemya at iba pang emergencies.
Ang masakit kasi, gagamitin na lang na pangsalba ng buhay ay nanakawin pa?
Makatwiran lamang na mabulok sa kulungan ang mga magnanakaw sa gobyerno.
Hindi lang iisa o dadalawa ang pinapatay nilang kababayan kapag ninanakaw nila ang pera ng bayan.
Milyon ang pinapatay nila sa sakit at gutom.
Ganyan kagahaman ang ibang “lingkod bayan.”
Hindi ba, Senador Bong Go?
***
Bilang na ang araw ng mga taong nakakapagparehistro ng mga puslit na sasakyan.
Kamakailan ay nagkasundo ang Bureau of Customs (BoC) at Land Transportation Office (LTO) na i-address ang problemang ito.
Sa isang MOA ay nagkasundo ang dalawang ahensya na magpatupad ng isang sistema na magbibigay solusyon sa problema.
Mandato ng BoC na magbigay sa LTO ng real-time transfer of records on payments of customs duties and taxes for imported vehicles.
Ang impormasyon ay ipadadala sa LTO Land Transportation Management System (ITMS) na set up ng German technology provider na “Dermalog.”
Sa bagong sistema, mababawasan ang human intervention.
At dahil dito, siguradong bababa na ang ismagling ng luxury vehicles kung hindi man tuluyang mawala.
Ayon nga kay Commissioner Jagger Guerrero, marapat lamang na ang mga nagbayad ng tamang duties and taxes na mga sasakyan ang bumabiyahe sa ating mga kakalsadahan.
Tataas din ang koleksyon ng gobyerno dahil maiiwasan na i-under value ang mga mamahaling sasakyan.
Tama ba kami Pareng Noel C.?
Ano kaya masasabi ni Pareng Ed L. ng PoM?
(Para sa inyong komento at suhestiyon, tumawag o mag-text sa 0969-0377083/emai:[email protected].. Ilagay lamang ang inyong pangalan at tirahan.)