MMFF

MMFF stars, nanawagan sa publiko na panoorin ang entries sa mga sinehan

December 15, 2023 Ian F. Fariñas 154 views

KylieVicoSTAR-STUDDED ang inauguration ng Metro Manila Film Festival Auditorium sa bagong MMDA building sa Julia Vargas Ave. nitong Huwebes na dinaluhan ng malalaking artista na may kanya-kanyang entry sa nalalapit na 49th MMFF.

Nakiisa sa selebrasyon sina Dingdong Dantes (Rewind at Firefly), Piolo Pascual (Mallari at Gomburza), Derek Ramsay (Kampon), Alden Richards (Family of Two), Christopher de Leon (When I Met You in Tokyo), John Arcilla at Kylie Versoza (Penduko), Enchong Dee (Gomburza), Eugene Domingo (Becky and Badette), Christian Bables (Broken Heart’s Trip), Alessandra de Rossi (Firefly), MMFF execom member/Mowelfund officer Boots Anson-Rodrigo at marami pang iba.

Present din siyempre ang acting chairman ng MMDA at MMFF overall chairman na si Atty. Don Artes, pati na si Pasig City Mayor Vico Sotto, na pinagkaguluhan din ng fans at MMDA employees.

Ayon kay Mayor Vico, nakakatuwa na nagkakaroon ng momentum ang industriya ng pelikulang Pinoy na dumanas ng slump dulot ng Covid-19 pandemic.

“Kita naman natin noong previous years, medyo nahirapan. Hopefully this year, magka-momentum tayo,” dagdag pa ng anak nina Vic Sotto at Coney Reyes.

Para naman kay Dingdong, tumatayong pinuno ng organisasyong Aktor, ramdam niya na malaki ang itinataya ng bawat isa sa kanila sa pestibal na magsisimula sa Dec. 25.

Hindi lang umano ito pagdating sa monetary, kundi sa talento at commitment na mabigyang sigla muli ang industriya ng pelikulang Pilipino.

“Kaya ako ay saludo sa mga producer, sa mga kapwa artista na talagang 100 percent ang ibinigay nila. Isipin n’yo po, sampung magagandang pelikula para sa ating mga manonood. Kaya ang dasal namin araw-araw, sana lumabas ang ating audience, sana ma-appreciate ninyo ang aming trabaho, sana mapanood ninyo, dahil sa tingin ko, ngayon po, especially with the help of the MMDA, malaki rin ang kanilang commitment, ang kanilang pagtaya dahil naniniwala po sila sa ating industriya,” patuloy ni Dingdong.

Agree naman si Derek sa sinabi ni Dingdong dahil through the years ay naging napakabuti umano ng MMFF sa kanilang lahat.

“There are a lot of competition now out there, you have the Koreans, the Indians. Basically globally na, ‘no? But this year, with 10 great films, sana mapakita talaga natin that we Filipinos are really super talented and can compete with the best in the world. And I think this year this will make a difference. So sana po suportahan natin lahat ng pelikula,” pahayag ni Derek.

Nagpasalamat naman si Enchong sa pagsuporta at pakikipag-collab ng MMDA sa showbiz personalities mula Day 1 para maging matagumpay ang MMFF.

Samantala, panawagan sa moviegoers ang binitawan ni Uge para muling buhayin ang halakhakan at iyakan sa loob ng mga sinehan.

“Magtulungan na lang po tayo bilang mahirap talaga. Pero sana nga, by this time mapabalik na natin ang mga tao sa mga sinehan,” hirit ni Alessandra.

“Big blessing” para kay Piolo ang MMFF.

Wish niya, magtulung-tulong ang lahat na i-appreciate ang Philippine cinema at i-push pa ang boundaries para mas mai-showcase ang kakayanan ng Pinoy artists, talent-wise, sa tulong ng MMDA na nakatakdang dalhin ang MMFF entries for screening abroad.

Gaya ng co-actors niya, grateful ang Venice International Filmfest Volpi Cup best actor awardee na si John sa pagkakataon na muli silang magkaharap-harap sa pagpo-promote ng kanya-kanyang entry.

“I think ito ang pinakauna yata na talagang sobrang bubuhos, sana bumuhos, na ulit ang mga tao sa sinehan. Kahit na usung-uso na ang streaming, tayo po ay nangangarap pa rin na bumalik ang mga tao sa sinehan para rin po sa ating mga producers at sa mga kasamahan natin sa ating industriya ng pelikula na marami ang nangangailangan pa rin ng trabaho, hindi lang po ang mga aritsta, kundi ang mga kasama natin behind the scenes,” ani John.

Samantala, ngayong Sabado, Dec. 16, gaganapin ang MMFF Parade of Stars sa CAMANAVA area habang ang Gabi ng Parangal naman ay nakatakdang idaos sa Kia Theater sa Dec. 27.

AUTHOR PROFILE