Default Thumbnail

MMDA traffic enforcer huli sa pangongotong

April 1, 2023 Zaida I. Delos Reyes 246 views

ARESTADO ang isang traffic enforcer ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) sa isang entrapment operation, matapos na ireklamo ng pangongotong ng isang trucking company nitong Biyernes sa Port Area, Manila.

Si Rey Gaza, 53, MMDA Traffic Enforcer 3, ay naaresto dakong 2:40 ng hapon sa loob ng Room No. 227 Champ Building sa may Port Area.

Nakuha mula sa suspek ang dalawang piraso ng P1,000 at boodle money, isang .45 caliber pistol, isang magazine na may bala, IDs at permit to carry firearms at sariling pera na nagkakahalaga ng P1,300.

Inaresto ang suspek batay sa reklamo ng may-ari ng isang trucking company na hindi na pinangalanan.

Ayon sa reklamo, si Gaza kasama ang isang Ben Colete at isang Almoguer ay nangongolekta ng umano’y payola na nagkakahalaga ng P10,000 kada buwan mula pa noong 2019 upang maiwasan umano ang aberya sa operasyon ng kanilang trucking at transport service business.

Ang naarestong suspek ay sasampahan ng kasong paglabag sa Anti-Graft and Corrupt Practices Act sa korte.