
Mister pinilit tumaya sa lotto, nanalo ng P36M
ISANG lalaki sa Lanao del Sur na pinilit ng kanyang misis na tumaya ng lotto kahit na masama ang panahon ang nag-uwi ng P35.5 milyong jackpot ng MegaLotto 6/45 noong Hunyo 26.
Ang nanalo ang nag-iisang nakakuha ng winning number combination na 26-40-06-12-44-14.
“Nagdalawang isip na akong tumaya kasi malakas ang ulan ng gabing iyon. Pero sabi ni misis, sasamahan na lang daw niya ako,” kuwento ng nanalo.
Laking pasalamat at masayang-masaya ang nanalo dahil sumunod siya sa kanyang misis at tumama ang kanyang mga numero.
Noong 2016, nagkaroon umano ng mild stroke ang nanalo. Nakatanggap umano ito ng P50,000 mula sa Medical Assistance Program ng Philippine Charity Sweepstakes Office o PCSO para mabayaran ang kanyang gastusin sa ospital.
“Mas lalo akong na-engganyo na maglaro ng Lotto dahil napatunayan ko na sa bawat taya ko, may makabuluhang napupuntahan ito at lubos akong nagpapasalamat,” sabi pa ng nanalo.