Joey Papa

Mga kampiyon ng Inang Kalikasan!

May 6, 2024 Joey C. Papa 377 views

TAONG 2000 nang magkaroon ng garbage slide sa Lupang Pangako, Payatas, Lunsod Quezon.

Daang mga residente o kundi man ay libo ang nalibing ng buhay sa gumuhong tambakan ng basura.

Nanindigan ang ilang mga residente sa Payatas na kailangang ipatigil na ang pagdadala sa kanilang komunidad ng mga basura ng ibang barangay, bayan at lunsod.

Ipasara na ang tambakan ng basura sa Payatas!

Ito ang sigaw ng mga kaanak ng mga nasawi sa pagguho ng tambakan ng basura.

Ngunit naging bingi ang mga kinauukulan sa hinaing ng mga residente kasama ng ilang environmental organizations na ipatigil na ang pagtatambak ng basura sa Payatas.

Ang Payatas garbage ay isang watershed area.

Sa katunayan ay napakalapit nito sa Balara Water Filter Station.

Kumakatas ang basura at ang katas ay dumadaloy sa sa ibabaw ng lupa patungo sa direksyon ng filter station.

Marami nang nilapitan si Gng. Leonita Panoy isang lider ng mga samahan ng residente sa Payatas sa tulong ng Bangon Kalikasan Movement, isang environmental organization, na mga ahensya ng pamahalaan ngunit walang nangyari.

Kaya noong Marso 13, 2015 ay nagpasya si Gng. Panoy kasama ang ilang mga lider-residente ng Lupang Pangako Payatas na mag-file ng Writ of Kalikasan sa Korte Suprema upang itigil ang pagtatambak ng basura sa kanilang komunidad.

Sinamahan si Gng. Leonita D. Panoy nina Francisco E. Castro, Lydia J. Cabaging, Benjamin Chua, Anita B. Dionisio, at Nestor C. Ramirez, bilang mga petitioner sa pagsasampa sa Korte Suprema ng Writ of Kalikasan.

May ilang mga residente ang nagpaabot sa grupo ng kanilang pakikiisa sa ginawang hakbang na ito nina Gng. Panoy at kanyang mga kasamang lider din ng kani-kanilang organisasyon.

May ilan naming tila nagmamasid na lang muna kung may mangyayari sa gagawin na ito ng mga lider na ito ng Lupang Pangako, Payatas.

May isa pa ngang sumama sa petisyon ngunit umatras nang pangakuan ng kung anu-ano ng kabilang panig.

Ngunit karamihan sa mga residente ng komunidad ay nagbunyi sa ginawang hakbang nina Gng. Panoy at mga kasama dangan nga lamang ay hindi makasama ng aktibo sa pagkilos ng mga lider ng komunidad sa pangunguna ni Gng. Panoy.

Naunawaan ito ni Gng. Panoy na matagal nang lider-komunidad kahit sa larangan ng health o kalusugan, at para sa Inang Kalikasan.

Sa wakas, nagbunga ang pagsisikap nina Gng. Panoy at mga kasama na maipasara ang tambakan ng basura sa kanilang komunidad.

Noong 2017, Iniutos ng Department of Environment ang Natural Resources, sa pamumuno ni dating Secretary Roy Cimatu, na ipasara kaagad ang Payatas Garbage dumpsite/landfill.

Ito ay sinundan noong 2018 ng desisyon ng Court of Appeals (CA) na moot and academic na ang petisyon.

Makikitang dahil sa petition para sa Writ of Kalikasan nina Gng. Panoy at mga kasama niya, nagkaroon ng mga pagdinig dito ang CA at nagkaroon pa ng ocular inspection ang mga mahistrado.

Nakita nila ang tunay ng kalagayan ng komunidad ng Payatas at ang tambakan ng basura dito.

Nahinuha marahil ng DENR na hindi nagustuhan ng mga mahistrado ang nakita nila sa Payatas dumpsite, kaya mabilis na kumilos ang ahensya at ipinasara na nga nito ang tambakan ng basura.

Nag-apila pa si dating QC Mayor Herbert Bautista kay Sec. Cimatu ngunit hindi na binago ang desisyon ng DENR, sapagkat alam naman niyang dumaan na ang kasong ito sa mga pagdinig at may sapat na kaalaman na ang mga mahistrado ng CA hinggil sa tunay na kalagayan ng tambakan ng basura at kung ano ang epekto nito sa mga residente ng Lupang Pangako, Payatas at iba pang karatig-lungsod.

Malaki ang utang na loob ng mga residente ng QC sa grupo nina Gng. Panoy at mga kasama niya.

Wala na ang mabahong amoy, sabi ng mga nakausap kong residente ng subdivision na nakatira sa paligid ng dating tambakan kabilang ang isang dating mambabatas na nakatira lamang malapit sa ipinasarang Payatas dumpsite.

Narinig ko noon ang ilang residente ng isang subdivision na masaya sila tuwing Pasko at wala na silang naaamoy na mabaho sa kanilang kapaligiran.

Ngayon ay ginawa ng bike lane ang dating tambakan ng basura.

Marami ang masaya ano? Dahil yan sa pagsisikap nina Gng. Panoy at mga kasama niya!

Magpasalamat kayo sa grupo nina Gng. Nita Panoy at mga kasama niyang lider.

Mabuhay kayo!

AUTHOR PROFILE