
Mga eksena ni Ronaldo, pinalakpakan sa directorial debut ni Janno
Dinagsa ng napakaraming fans ang red carpet premiere noong Lunes ng gabi ng comedy flick na Itutumba Ka ng Tatay Ko, ang movie na directorial debut at pinagbibidahan din ni Janno Gibbs.
Bukod sa punung-puno ang Cinema 2 ng SM Megamall, napakarami ring celebrities na dumalo para suportahan si Janno.
Nanguna na ang senador na si Robin Padilla, na grabe ang kaligayahan at pinasok na rin ni Janno ang pagdidirek.
Dumating din ang dating Quezon City mayor na si Herbert Bautista kasama ang singer-comedian na si Andrew E. at ang komedyanteng si Dennis Padilla.
Binati nila si Janno sa directorial debut nito at tuwang-tuwa sila sa desisyon ng singer na mag-direct ng pelikula.
Ang mga kaibigan ni Janno na sina Gelli de Belen at Candy Pangilinan ay nagbigay din ng suporta sa kanya.
Siyempre, hindi nawala ang better half ni Janno na si Bing Loyzaga na talagang hindi nawala sa tabi niya mula nang mamatay ang ama ng singer-actor na si Ronaldo Valdez.
Nasa sinehan din ang lawyer ni Janno na si Lorna Kapunan na tuwang-tuwa sa pelikula.
“Fantastic,” sabi ni Atty. Kapunan pagkatapos ng premiere.
Kasama ni Janno na dumating at pumasok sa sinehan si Xia Vigor, ang gumanap na anak niya sa pelikula.
Big screen comeback ni Xia ang Itutumba Ka ng Tatay Ko pagkatapos ng Miracle in Cell No. 7.
Nandoon din ang iba pang support cast tulad nina Jeric Raval, Anjo Yllana, Louise delos Reyes at Juliana Parizcova-Segovia.
Hindi si Janno ang nakatanggap ng pinakamalakas na palakpakan sa pelikula kundi si Ronaldo, na may special participation sa pelikula.
Tatay din ni Janno ang role ni Ronaldo sa pelikula. Kahit na limited ang mga eksena niya at lahat ay malapit na sa ending ng pelikula, pinalakpakan pa rin ang mga ito ng audience, mapa-fans man o artista.
“Homage” rin ni Janno ang Itutumba Ka ng Tatay Ko kina Dolphy at FPJ.
Umpisa pa lamang ng pelikula, makikita na ang posters ng pelikula ni FPJ na Hindi Ka Na Sisikatan ng Araw at Mabuting Kaibigan, Masamang Kaaway.
Mapapanood na sa mga sinehan nationwide ang Itutumba Ka ng Tatay Ko simula ngayong Miyerkules, January 24.