
Mga dayuhang turista dumadagsa pa rin sa PH
DILG kumpiyansang lalong mapapalago ni Frasco ang turismo
PATULOY ang pagdagsa sa Pilipinas ng mga dayuhang turista sa kabila ng isyung kinasangkutan ng Department of Tourism (DOT) at may branding man o wala ang nasabing ahensiya.
Dahil dito, binigyang diin ng Chairman ng House Committee on Tourism at Romblon Lone Dist. Congressman Eleandro Jesus “Budoy” F. Madrona na ang mga dayuhang turista ay patuloy na naaakit sa mga magagandang lugar sa Pilipinas.
Ipinaliwanag ni Madrona na “secondary” na lamang ang tourism slogan ng DOT kaya mas lalong naakit o na-engganyo ang mga dayuhang turista na magpunta sa Pilipinas.
Dinagdag ni Madrona na ang pinaka-pangunahing dahilan talaga ng mga turista upang bumisita ay ang mga kaakit-akit na lugar na matatagpuan sa bansa.
Sinabi pa ni Madrona na hindi na nakakapagtaka kung bakit patuloy na dumadagsa ang mga dayuhang turista sa Pilipinas pagkatapos ng halos dalawang taong COVID-19 pandemic sa bansa.
Nakikita rin ni Madrona na ang isa sa mga dahilan ng paglobo ng mga foreign tourists na dumagsa sa Pilipinas ay pagluluwag ng gobyerno sa COVID protocols na unang nagpabawas sa bilang ng mga dayuhang turista na bumibisita sa bansa.
Iginiit ng kongresista na may slogan man o wala ang Tourism Department, hindi na rin kailangan pang hikayatin o akitin ang mga dayuhan na bumisita sa Pilipinas sapagkat sila na mismo aniya ang nagtutulak sa kanilang mga sarili na magpunta at magbakasyon sa Pilipinas.
Binigyang diin pa ni Madrona na bago pa man magkaroon ng branding ang DOT, dati na aniyang kumikilos si Tourism Sec. Maria Christina Garcia Frasco para mahikayat ang mga dayuhan na magpunta sa Pilipinas sa pamamagitan ng pakikipag-usap nito sa international community.
Pinaliwanag pa ni Madrona na inaani na ng Pilipinas ang mga pagsisikap o efforts ni Frasco para kumbinsihin at hikayatin ang mga dayuhang turista na magpunta sa bansa
DILG buo ang suporta kay Frasco
Samantala, buo ang suporta ng Department of Interior and Local Government (DILG) kay Frasco.
Kumpiyansa ang DILG na higit pa ni Frasco na mapapaunlad ang sector ng turismo sa bansa.
Ayon sa DILG, commendable ang mabilis na aksyon ng DOT sa isyu sa pamamagitan ng agad na pagsasagawa ng imbestigasyon at pagkansela sa kontrata agency na gumawa nito.
Naniniwala ang DILG na ang hepe ng Turismo at sa DOT ay nararapat lamang bigyan ng pagkakataong ituwid ang isyu at itama ang problema.
‘Ang magandang kampanya ng DOT para sa patuloy na pag-unlad ng industriya ng turismo sa bansa ay hindi dapat makaapekto ang isang isolated na pagkakamali. Hindi dapat masira ang focus sa kampaya sa ganda, kultura at heartwarming hospitality na siguradong mamahalin at iibigin ng mga turista ang ating bansa.
Nakita natin sa lahat ng local government units sa buong bansa ang positibong aksyon sa pag-adopt sa “Love The Philippines” sa kanilang mga localities, naniniwala rin ang DILG sa pagkakaisa ng mga Filipino sa pag-promote ng magagandang bagay sa ating bansa.
Ipagpatuloy po natin ang pag-ibig para sa Pilipinas at inbitahan natin ang buong mundo na maranasan nila ang ma-in love sa Pilipinas,’ ayon sa DILG. Nina MAR RODRIGUEZ & JUN I. LEGASPI