Default Thumbnail

Mekaniko tigok sa van

July 1, 2024 Gil Aman 331 views

PATAY ang isang bike mechanic ng magulungan ang ulo ng kasunod na sasakyan matapos tumilapon sa kalsada noong Linggo sa Brgy. Dila, Sta. Rosa City, Laguna.

Kinilala ni P/Lt. Col. Dwight Fonte, hepe ng Sta. Rosa police, ang nasawi na si Michael Noveno Acenita, ng 1722 6th St., Sta. Ana, Maynila.

Ayon kay PMSg Archie Araoro, naganap ang insidente dakong alas-9:20 ng gabi habang lulan ng kanyang motorsiklo ang biktima.

Binabagtas ng biktima ang highway pero dahil umiwas sa pothole nawalan siya ng balance hanggang sa tumilapon.

Paparating naman si Hamer Villamayor Diaz, 47, driver ng closed van, na nasapol at nagulungan ang ulo ng biktima na namatay sa mismong pinangyarihan ng aksidente.

Saksi sa pangyayari sina Ricardo Llamado at Romulo Balbalosa ng Brgy. Dila.

Kasong Reckless Imprudence Resulting to Homicide ang kakaharapin ng driver ng van.

AUTHOR PROFILE