
Mayor ng Pasay higit isang buwan ang b-day treat
MAHIGIT isang buwan ang ginawang pagdiriwang ni Pasay City Mayor Emi Calixto-Rubiano ng kanyang ika-62 taong kaarawan pero hindi para pasayahin ang sarili at pamilya kundi upang bigyang ligaya ang mga bata at matatanda, pati na pagkakaloob ng serbisyong panglipunan.
Agosto 16 ang eksaktong petsa ng kaarawan ni Mayor Emi pero Agosto 1 pa lamang ay sinimulan na niya ang walang tigil na pagkakaloob ng serbisyong panlipunan upang ipadama sa mga mamamayan ng lungsod ang kanyang malasakit at pagmamahal sa mga Pasayenos.
Hindi kasi kasya sa isang araw lamang ang mga nakalinya niyang pagbibigay ng ligaya at benepisyo sa mga mamamayan ng lungsod kaya kahit malayo pa at lagpas na ang kanyang kaarawan, patuloy pa rin niya itong ipinagdiriwang,
Limang araw pa nga lang bago magdiwang ng kanyang kaarawan ang alkalde ay hinandugan na niya ang 280 mga bata ng libreng pagsakay sa mga rides sa Star City, pati na libreng pagkain.
Kinabukasan ay inilibre naman niya ang 100 mga senior citizen sa kanilang bakuna kontra sa lagnat o ng flu vaccine, pati na rin ng kanilang pagkain.
Sa halip na tumanggap ng regalo, namahagi rin si Mayora ng karagdagang puhunan bilang regalo sa kanyang kaarawan sa mga maliliit na negosyante sa lungsod upang mapaunlad pa ang kanilang negosyo.
Naghandog rin si Mayor Emi ng libreng kasal nang pangunahan ang Kasalang Bayan sa Cuneta Astrodome at pagkakaloob ng libreng live concert na tinampukan ng mga live bands, komedyante at bantog na mga mang-aawit.
Libo-libong mamamayan ng Pasay ang nakapanood ng libreng konsiyerto at daan-daan sa kanila ang nanalo ng salapit at mga pa-premyo sa pa-raffle contest ng alkalde.
Marami pang mga aktibidad na may kaugnayan sa kanyang kaarawan ang isinagawa ng alkalde na makakatulong at makapagbibigay saya sa mga Pasayenos na kanyang isinakatuparan. Sabi nga ng mga Pasayenos, sana raw ay magdaos pa ng maraming birthday ang alkalde at biyayaan pa siya ng lakas ng pangangatawan para mas marami pa siyang mapasaya at mapagkalooban ng wastong serbisyo.
MGA PASAWAY NA MOTORISTA, DUMAMING MULI SA LANSANGAN
Hindi pa nagtatagal ang pansamantalang pagpigil ng Korte Suiprema sa implementasyon ng No Contact Apprehension Program (NCAP) sa Lungsod ng Maynila pero dagsa na kaagad ang mga nagbabayad ng kanilang multa sa paglabag sa batas-trapiko matapos matikitan ng mga traffic enforcers
Lumakas kasi ang loob ng mga motorista, karamihan ay mga nagmomotorsiklo, na lumabag sa batas-trapiko dahil batid nilang hindi na sila puwedeng patawan ng multa sa ilalim ng NCAP pero ang hindi nila alam, iniutos ni Mayor Honey Lacuna-Pangan ang pagtatalaga ng isang katerbang traffic enforcers sa mga pangunahing lansangan kaya ang mga iyon ang humuli at nag-isyu ng tiket sa kanila.
Bukod dito, sumikip ang daloy ng trapiko sa maraming kalsada sa Maynila dahil panay ang singitan ng mga motorista na hindi nila dating magawa noong ipinaiiral pa ang NCAP.
Mabilis lang naman kung tutuusin ang pagbabayad ng multa ng traffic violation sa Manila City Hall pero sa dami ng mga pasaway, nagtatagal sila dahil sa haba ng pila. Marami tuloy sa kanila ang bumaligtad na sa paniniwala at nagsabing sana raw ay maibalik na ang NCAP.
Sa puna, komento at suhestiyon, mag-text lang sa 0923-347-8363 o mag-email sa [email protected]