Lacuna

Mayor Honey: Pagtapon ng basura sa Manila Bay tigilan na

August 14, 2022 Edd Reyes 522 views

UMAPELA si Manila Mayor Honey Lacuna-Pangan sa mamamayan na tigilan na ang walang patumanggang pagtatapon ng basura sa Manila Bay, mga estero, kanal at iba pang daluyan ng tubig upang makatulong sa pagpigil ng pagbaha sa mga pangunahing lansangan.

Ang hiling ng alkalde ay bunsod na rin ng nakolektang basura ng mga tauhan ng Manila Department of Public Service (DPS) sa Manila Bay na umabot sa 804 na sako na katumbas ng 24.2 na toneladang basura sa kanilang ginawang paglilinis matapos ang sunod-sunod na malalakas nap ag-ulan noong nakaraang linggo.

“Panawagan po natin sa ating mga kababayan, please, please please, iwasan na po natin ang magtapon po ng basura sa Manila Bay at sa ating mga estero dahil in the long run, kayo rin naman po ang nagsa-suffer. A ba ang dala nito? Yan ay ang patuloy na pagbabaha, iniiwasan po natin yun dahil kayo rin naman ang napepershuwisyo kapag mayroon pong pagbaha,” apela ni Mayor Honey.

Hinimok din ni Mayor Honey ang publiko na panatilihing malinis ang kanilang kapaligiran dahil ang pagtatapon aniya ng basura sa mga lansangan, estero at kanal ay hindi lamang nagreresulta ng pagbaha kundi nagiging panganib din sa kalusugan lalu na’t sa panahon ng tag-ulan tumataas ang kaso ng mga tinatamaan ng nakamatatay na sakit na Dengue.

Nagpahatid din ng kanyang pasasalamat ang alkalde kay DPS Director Kayle Nicole Amurao at sa kanyang mga “Estero Rangers” na walang pinipiling araw at oras sa pagpapatuloy na paglilinis, hindi lamang sa mga lansangan, kundi maging sa Manila Bay, kanal, estero at iba pang daluyan ng tubig.

“Tulungan naman po natin sila, huwag naman po nating hayaan na sila na lang po ang naglilinis ng ating mga estero at Manila bay, meron din po tayong responsibilidad na panatilihing malinis ang mga ito, huwag po nating iasa lahat sa ating pamahalaan,” panawagan pa ng alkalde.

AUTHOR PROFILE