Default Thumbnail

Maynila itinanghal na overall champ sa ATOP Pearl Awardee

October 28, 2022 Edd Reyes 282 views

NAKOPO ng Pamahalaang Lungsod ng Maynila ang pangkalahatang kampeon sa 17th Association of the Philippines (ATOP) Pearl Awardee na isang kompetisyong nilahukan ng iba’t-ibang lungsod at munisipalidad sa buong bansa.

Itinanghal na grand champion ang kapitolyo ng bansa bilang “Best Tourism Festival”, isang kategoryang umuunawa sa mga gawaing pang-relihiyong nagkakaloob ng parangal sa pang-komunidad na Santo nang ilahok sa timpalak ang Translacion 2020.

Mismong si Manila Mayor Maria Sheilah “Honey” Lacuna-Pangan ang tumanggap ng parangal sa seremonyang ginanap Huwebes ng gabi sa Taal Vista Hotel sa Tagaytay City.

Bukod sa titulo ng pangkalahatang kampeon, ang Lungsod ng Maynila ay kinilala rin bilang 1st runner up para sa Best Tourism Month/Week Celebration at Best Program for Culture and Arts sa hanay ng mga lungsod.

Inilahok ng Maynila sa naturang kategorya ang Manila Tourism Month Celebration at Conservation of Tangible and Intangible Cultural Properties of the City of Manila.

Kaugnay nito, tinanggap din ng Lungsod ng Maynila ang panalo bilang second runner up para naman sa Best Tourism Promotion-Publication at Best Tourism Promotion Video sa hanay pa rin ng mga siyudad.

Kabilang sa mga inilahok ng Maynila sa naturang kategorya ang “8 Tourism Hubs and Made in Manila” at “Welcome po kayo sa Manila: Paskong Manileño”.

Kasama ni Mayor Lacuna-Pangan sa pagtanggap ng mga nakuhang parangal si Department of Tourism, Culture and Arts of Manila Officer-in-Charge (OIC) Charlie Duñgo.

Nauna ng ginanap sa University of Santo Tomas (UST) ang paghuhusga para sa mga finalist na mabibigyan ng parangal noong Setyember 29 ng kasalukuyang taon.

AUTHOR PROFILE