Default Thumbnail

Maynila iiwan ni yorme sa mabuting kamay

June 1, 2022 Edd Reyes 322 views

Edd ReyesSA pagtatapos ng buwan ng Hunyo, lilisanin na ni Manila Mayor Isko Moreno Domagoso ang kanyang posisyon bilang Ama ng Lungsod pero walang dapat ipag-alala ang mga Manilenyo dahil iiwan ng alkalde sa mabuting kamay ang pamamahala sa lokal na pamahalaan.

Mauupo na kasi sa lilisaning puwesto ni Yorme si Vice Mayor Honey Lacuna-Pangan na siyang iniluklok bilang alkalde ng napakaraming botante sa Maynila sa nagdaang halalan, pati na ang kanyang ka-tandem na si 3rd District Congressman Yul Servo Nieto na nagwagi naman bilang bise alkalde.

Hndi naman talaga maikakaila o sabihin nating hindi matatawaran ang napakagandang nagawa ni Yorme sa Maynila sa loob ng napakaikling panahon ng kanyang panunungkulan na karamihan ay pabor na pabor sa mga maralitang mamamayan ng lungsod, partikular na rito ang mga ipinatayo niyang mga gusali bilang vertical housing projects at mga pinalaki at ginawang modernong mga pam-publikong pagamutan sa anim na distrito ng lungsod.

Pero ang talagang tumatak sa isipan ng marami ay ang ginawa niyang clearing operation sa mga pangunahing lansangan, partikular sa area ng Divisoria, na hanggang ngayon ay maluwag ng nadaraanan ng mga motorista na hindi nagawa ng sinumang alkalde na naluklok sa Maynila.

Kung may ilang nag-aalinlangan na baka hindi mapantayan man lamang ni Mayor-elect Honey-Lacuna-Pangan ang mga nagawa ni Yorme sa Maynila, dapat siguro nilang isipin na ang tagumpay ng isang pinuno ng lokal na pamahalaan ay hindi lang nakasalalay sa kamay ng alkalde kundi sa kanyang mga magiging katuwang sa pamamahala at siyempre, sa suporta rin ng taumbayan.

Ito nga rin ang isang dahilan kaya nagawa ni Yorme ang mga gusto niyang gawin sa Maynila dahil kakampi niya si Vice Mayor Lacuna-Pangan, pati na ang mayorya ng konseho.

Ganito rin ngayon ang magiging set-up sa pamumuno ni Mayor Honey dahil kakampi niya ang bise alkalde at ang halos lahat ng nagwaging miyembro ng konseho na kabilang sa Asenso Manileño na pinamunuan ni Yorme.

Dagdag pa rito siyempre ang mga nanalong kongresista sa anim na distrito ng Maynila na pawang kabilang din sa Asenso Manileño na tiyak na tutulong sa mga programa at proyektong isusulong ni Mayor Honey sa lungsod.

Wala ring kaduda-duda na mapapanatili pa rin ni Mayor Honey ang malinis na lansangan sa area ng Divisoria dahil suportado siya rito ni Manila Police District (MPD) Director P/BGen. Leo Francisco kaya tiyak na mamamanduhan ang Station Coomanders ng Police Station 2 at 11 na nakakasakop sa lugar, pati na ang mga Police Community Precinct (PCP) para hindi na masakop pa ng illegal vendors ang kahabaan ng C.M. Recto.

Kaya sa mga barangay o police officials na magtatangkang ibigay muli ang lansangan sa mga illegal vendors kapalit siyempre ng datung, aba’y huwag na kayong magtangka dahil Lagot Kayo kay Mayor Honey kapag ginawa niyo yan.

GULO SA PERYAHAN, PULIS, BUWIS BUHAY

MASAKLAP ang sinapit na kamatayan ng isang bagitong pulis sa kamay ng tatlong kalalakihang bumugbog sa kanya matapos tangkaing awatin ang nangyayaring gulo sa isang peryahan sa Mapandan, Pangasinan Biyernes ng hatinggabi nito lamang nakaraang linggo.

Ang masakit pa, nagbakasyon lang sa kanilang bayan sa Mapandan si Pat. Robert De Vera, Jr. mula sa Samar kung saan siya nakatalaga kaya ganoon na lang ang panggigipuspos ng kanyang pamilya.

Hindi lang minsan nangyayari ang ganitong insidente ng kaguluhan sa mga peryahan dahil sa paglalatag ng ilegal na sugalan na kadalasang pinagmumulan ng gulo, tulad na lang ng peryahan sa Marcos Highway sa Brgy. Mayamot sa Antipolo City na ipinasara dahil nagkaroon ng insidente ng pananaksak bunga ng pagtatalo sa sugal.

Siguro, wake-up call na rin sa mga otoridad at opisyal ng lokal na pamahalaan ang nangyaring pagpatay kay Pat. De Vera para kumilos at ipasara na nila ang napakaraming ganitong uri ng ilegal na sugal lalu na sa Antipolo, Binangonan, Taytay, Morong at Teresa sa Rizal Province na karamihan ay ino-operate ng mga alyas na Egay at Bonjing.

Sa puna, komento at suhestiyon, mag-text lang sa 0923-3478363 o mag-email sa [email protected]

AUTHOR PROFILE