
May pag-asa pa ang PNP
SUNOD-SUNOD ang mga viral video ng riding in tandem snatchers sa Binondo area.
Paging Mayor Honey Lacuna and Vice Mayor Yul Servo, baka kailangan na rin ng riding in tandem ng bangis nyo para puksain ang lumaganap na snatching ng mga bag ng mga naglalakad sa Binondo business district.
Malaking hamon din ito sa magandang liderato ni Manila police director, General Andre Dizon na kilalang walang patawad sa mga kriminal at sa mga tiwaling pulis.
General Dizon, pakibitin nga nang patiwarik sa Binondo bridge ang mga riding in tandem na yan kapag nasakote nyo!
***
May sinibak na namang Pinoy priest ang Vatican chief na si Pope Francis.
Pangmomolestiya sa mga menor de edad ang sinasabing kaso ng pari.
Hindi na rin mabilang ang mga “alagad ng simbahan” na nasasangkot sa sexual molestation.
Kahit saan ito, kahit saan sila kaya huwag kayong nagpapaalipin sa kung sinu-sinong nagkukubli sa Bibliya at pulpito.
At hindi lang ito nangyayari sa hanay ng Katoliko, kahit saang relihiyon at sekta ay may ganyan.
Hindi lang pang-aabusong-seksuwal, marami rin diyang pangmomolestiya sa kanilang kapangyarihan para mabuhay nang marangya ang kanilang pamilya.
Kilatisin silang mabuti, masusing uriin ang kanilang pagkatao.
Tandaan, hindi lahat ang umaastang malapit sa Diyos ay totoong banal.
Minsan nga, kung sino pa ang mga “boy banal”, sila pa ang mas walanghiya kaysa sa mga nasasakupan nila.
***
Sumali na rin si PNP Chief, Director-General Ben Acorda, Jr, sa mga nagpa-drug test sa Kampo Crame.
Magandang senyales ito para lahat ng pulis sa buong bansa ay masuri na kung gumagamit or nakagamit sila ng droga.
Malaki ang problema ng bansa kapag naging adik ang mga pulis.
By the way, hindi lang ang pagiging adik sa droga ang dapat malutas sa pulisya, dapat masuri rin kung sino ang mga adik sa pera!
Maraming krimen ang nagagawa ng mga tiwaling pulis dahil sa kagustuhang magkamal ng salapi.
May mga pulis na hanggang ngayon ay patong pa rin sa illegal gambling at illegal drugs.
Pati ang mga pulis na koneksiyon ng mga holdaper at snatchers ay pagkaadik din sa pera ang dahilan kaya sila pumapasok sa mga ganyang sindikato.
Kaya nga dapat hindi lang anti-crime ang pokus ng PNP leadership, tumutok din sila sa paglikha ng mga pulis na mabubuting tao.
Ang sarap sigurong makita sa lifetime natin na bumait na lahat ng pulis, iyong Mamang Pulis na talagang kaibigan at kakampi ng mga mamamayan.
Hindi pa rin tayo nawawalan ng pag-asa, umaasa pa rin tayong mangyayari pa ito.