
May ‘credibility problem’ pa rin ang PNP
HINDI na talaga nawala ang mga tiwali sa Philippine National Police (PNP) matapos masangkot na naman ngayon sa diumano’y pagnanakaw ng nakumpiskang droga na nasa 990 kilo. Ilang beses na ba nating nakita ang ganitong balita?
Kaya naman hindi natin masisi si Senator Ronald “Bato” Dela Rosa na chairman ng Senate Public Order and Dangerous Drugs Committee na mag-init ang ulo tungkol dito. Maliban sa kumukulo ang dugo ay gusto niya ring pagsasakalin ang mga ito.
Dahil maliban siya ang chairman sa komiteng ito ng Senado ay alam nating lahat na siya ang dating PNP Chief nang ilunsad ng dating administrasyong Duterte ang gera nito kontra droga. Alam niya ang hirap na kanilang ginawa para harapin ang problema ng droga sa bansa.
Alam nating lahat kung paano naging seryoso ang administrasyon ni dating Pangulong Duterte para sugpuin ang problema ng droga sa Pilipinas. Sa kabila ng mga batikos dito, hindi maikakaila ang naging tagumpay nito kung paano nalinis ang mga komunidad na pinipeste ng mga adik at tulak ng droga.
Nakita natin kung paano kusang nagsisuko ang libu-libong mga kababayan natin na mga pawang gumagamit o di kaya’y sangkot sa ilegal na droga. Hindi hamak na talagang naging mapayapa ang mga lansangan sa ilalim ng war on drugs.
Hindi katulad bago maupo ang administrasyong Duterte na halos matakot ang ating mga kababayan sa kalsada sa dinami-dami ng krimen na pawang ang mga suspek ay nakadroga. Maging sa mga komunidad na dati-dati’y pinipeste ng mga nakawan at gulo gawa ng mga sabog sa droga ay naging tahimik.
At syempre dahil isang gera ang war on drugs, totoong naging madugo ito at marami ang mga napatay. Kaya naman talagang ginawang isyu ito maging sa international committee. Pero kailangang makita na hindi lamang mga suspek kundi may mga kapulisan din na napatay sa mga operasyon nito.
Naging madugo man ang war on drugs pero nakita natin kung paano nito nabago ang Pilipinas. Sabi nga kung hindi naupo ang administrasyong Duterte ay malamang ay napunta na tayo sa pagiging narco-state ang Pilipinas.
Katunayan, may mga ilang opisyal ng PNP at Armed Forces of the Philippines ang isinapubliko ng dating Pangulong Duterte na sangkot umano sa ilegal na droga. Maging mga publikong opisyal na may mga katungkulan ay hindi sinanto ni Duterte kabilang na nga dyan si dating Senator Leila De Lima na hanggang ngayon ay nakakulong sa kasong may kinalaman sa ilegal na droga.
Kaya naman nakakadismaya na muling marinig na mayroon na namang ganitong baho na umaalingasaw sa PNP. Na sa kabila ng mga paghihirap ng nakaraang administrasyon para mailigtas tayo sa salot na droga ay nandyan pa rin ang mga nagpapabulok sa sistema.
Sa ganito na namang scenario ay ipinapakita ng mga bulok na pulis na balewala ang mga sakripisyo ng kanilang mga kabaro na napatay din sa war on drugs na ito.
Sana lang ay may mangyari sa imbestigasyon ng Senado at mailabas ang katotohanan sa isyung ito. Dahil sa totoo lamang ay lagi’t lagi na lamang nililinis at pinapabango ang PNP pero parang hindi na naalis ang dumi at baho dito. Hindi nawawala dahil wala halos nananagot.