VAT refund mechanism hiling ni Gatchalian upang higit na malakas ang turismo
NAIS ni Senador Win Gatchalian na magkaroon ng tamang mekanismo para sa refund ng value-added tax na higit na magpapalakas sa turismo ng bansa at makalikha ng mas marami pang trabaho sa ating mga kababayan.
“Upang makasabay sa mga kapitbahay natin sa Asia Pacific, ang Pilipinas ay kailangang magtatag ng isang tourist VAT refund system dahil walang konseptong ganito sa kasalukuyang umiiral na mga batas hinggil sa pagbubuwis,” sabi ni Gatchalian na naghain ng Senate Bill 2023 o An Act Creating a VAT Refund Mechanism for Non-Resident Tourists.
Sa ilalim ng panukalang batas, ang mga dayuhang turista ay bibigyan ng VAT refund na hindi hihigit sa 85% ng kabuuang halaga ng VAT na binayaran nila sa mga biniling mga produkto sa Pilipinas na dadalhin palabas ng bansa sa loob ng 60 araw.
“Ang pagtataguyod ng VAT refund para sa mga turista ay maaaring humantong sa tinatawag na ‘tourism multiple on national income’,” sabi ni Gatchalian. Sa konseptong ito, aniya, ang anumang uri ng tourist entertainment ay nagpapataas ng kabuuang kita ng bansa sa pamamagitan ng pagtangkilik sa mga hotel, restaurant o anumang kainan, transportasyon, sports venues, sinehan, museo, serbisyong pangkalusugan, o anumang uri ng serbisyo.
“Sa pag-asang mapasigla ang lokal na industriya ng turismo, panahon na para hikayatin natin ang mas maraming turistang dayuhan na gumastos sa bansa upang maitaguyod ang pangkalahatang paglago ng ekonomiya,” sabi ng senador.
Kapag ganap nang batas, inaasahang dadami pa ang mga dayuhang turista sa bansa. Bago ang pandemya ng COVID-19, nakapagtala ang Department of Tourism (DOT) ng humigit-kumulang 8.26 milyong dayuhang turista noong 2019. Bumaba ang bilang na ito sa 1.48 milyon noong 2020, 0.16 milyon noong 2021, at 2.65 milyon noong 2022. Para sa taong ito, umaasa ang DOT na makakakuha ng 4.8 milyong dayuhang turista at makabuo ng hindi bababa sa $5.8 bilyong kita.
“Napapanahon ito upang akitin ang mas marami pang dayuhang turista na bumisita sa ating bansa at palakasin muli ang industriya ng turismo. Inaasahan natin na magreresulta ito sa mas maraming trabaho para sa ating mga kababayan,” pagtatapos ni Gatchalian.
Senator Robin Padilla: Palakasin ang turista sa Camotes Island sa Cebu
HINIKAYAT naman ni Sen. Robinhood “Robin” C. Padilla ang lahat na pasyalan ang Camotes island sa Cebu dahil isa ito sa natatanging tourist spot sa bansa.
Si Padilla ay inimbitahan ni Cebu Gov. Gwendolyn Garcia upang bisitahin ang kanilang isla nitong nakalipas na weekend.
Nakilahok ang bagitong senador sa “Suroy Suroy Sugbo” sa Camotes Island na ikalawang yugto ng tourism flagship program ng probinsya.
“Tayo po ay kasamang naglilibot ngayon ng ating iginagalang na Cebu Governor Gwen Garcia para sa ‘Surog Surog Sugbo 2023’ dito sa Camotes Islands. Ito po ay ang ikalawang yugto na bahagi ng tourism flagship program ng Cebu Provincial Government. Tara na po at samahan nyo kaming makisaya at maglibot sa – Enchanting Camotes 2023,” aniya.
Kasama niya sina Tourism Sec. Christina Frasco, Deputy Speaker Vincent Franco Frasco; Board Members Red Duterte at Mike Villamor; Tourism Undersecretary Shahlima Hofer Tamano, Assistant Secretary Verna Buensuceso at mga DOT Regional Directors.
Binisita nina Padilla ang bayan ng Pilar sa ilalim ni Mayor Winky Santiago; San Francisco sa ilalim ni Mayor Alfredo Arquillano; Poro sa ilalim ni Mayor Edgar Rama; at Tudela sa ilalim ni Mayor Greman Solante.
Nakilahok din si Padilla sa ocular inspection ng Camotes Island Airport kasama si Governor Garcia at General Manager Julius Garcia Neri, Jr.
Samantala, binisita rin ni Padilla at ni Governor Garcia ang Bukilat Cave. Sumali rin si Padilla sa Bayle o disco, at nanood ng lokal na cultural dances.