Festival DRY RUN–Kasama ni Engr. Gertrudes A. Viado ng National Irrigation Administration-Upper Pampanga River Integrated Irrigation Systems ang mga farmer-members ng Bayanihan San Nicolas Irrigators Association sa Gapan City sa dry run ng “Harvest Festival 2024” na nakatakda sa Marso 25. Layunin ng festival ang masaganang ani sa kabila ng hagupit ng El Nino sa taong ito.

Masaganang ani sa Harvest Festival dasal sa Nueva Ecija

March 14, 2024 Steve A. Gosuico 152 views

GAPAN CITY–Buo ang tiwala ng mga magsasaka sa syudad na ito na sineserbisyuhan ng Division IV ng National Irrigation Administration-Upper Pampanga River Integrated Irrigation Systems (NIA-UPRIIS) na makaka gintong ani sila para sa dry season cropping sa taong ito.

Para maipakita ang gintong ani ng mga magsasaka, nagsagawa ng dry run para sa “Harvest Festival 2024” sa Marso 25 ang NIA-UPRIIS sa pangunguna ni Engr. Gertrudes “Helen” Viado noong Martes.

Itinakda ang dry run para mapanatili ang average na ani ng palay noong nakaraang taon at nalampasan pa ito ngayong 2024 dry cropping season.

Kabilang sa Harvest Festival ang Bayanihan San Nicolas Irrigators Association, Pulong Munti Centro IA at Bulak Bulihan IA, na ayon kay Division IV manager Engr. Wilfredo A. Balauro kabilang sa unang batch ng IAs na nakapagtala ng gintong ani para sa dry season cropping ngayong taon.

Kabilang sa mga paraan na nakatulong upang makamit nila ang masaganang ani ang mabisang pagpapatupad ng mga iskedyul ng paghahatid ng tubig at ang pagtatayo ng solar-powered pump irrigation projects, ani Viado.

Binanggit din ni Viado na ang pagtutulungan at suporta ng mga magsasaka ang naging dahilan kung bakit naging matagumpay ang mga interbensyon na ipinatupad ng tanggapan.

“Hopefully sa mga susunod na Harvest Festival mas maganda ang mga yields nila,” pahayag ng hepe ng UPRIIS sa Journal Group.

Nauna rito, naiulat na dahil sa malawakang epekto ng El Niño, nasa panganib ang mahigit 50,000 ektarya ng mga sakahan na sineserbisyuhan ng NIA-UPRIIS.

Gayunpaman, dahil sa patuloy na pagpapatupad ng mga estratehikong hakbang ng ahensya at teknolohiyang nakakatipid sa tubig, bumaba sa higit sa 7,000 ektarya ang kabuuang bilang ng mga lupang sakahan na apektado ng El Niño sa mga lalawigan ng Nueva Ecija, Bulacan at Tarlac bunsod na din ng mababang antas ng supply ng tubig irigasyon mula sa Pantabangan Dam.

Mula sa kabuuang 97,000 ektarya na na-iprograma sa patubigan bago magsimula ang 2024 dry cropping, mahigit 140,000 ektarya ang kasalukuyang napapatubigan ng NIA UPRIIS sa mga nabanggit na lalawigan.

AUTHOR PROFILE