Default Thumbnail

Mas mataas ang Estado kesa Simbahan

July 11, 2022 Paul M. Gutierrez 612 views

PaulINIHAYAG ni Senator Raffy Tulfo ang kaniyang intensiyon at kahandaan na makipagdayalogo sa Simbahang Katolika para mapag-usapan ang pagpapasa ng diborsyo sa Pilipinas.

Dahil maliban sa Vatican kung nasaan ang sentro ng kapangyarihan ng Simbahang Katolika, Pilipinas na lamang ang walang batas para sa diborsyo sa buong mundo.

Matagal na at marami-rami na ring naging panukalang batas para maipasa ang diborsyo sa Pilipinas. Pero wala pa ring nagtagumpay para dito.

Dahil siyempre totoo namang sensitibong bagay ito para sa marami. Marami dahil isa tayong Katolikong bansa at malaki ang impluwensiya ng Simbahan dito.

Kaya naman hindi nagiging madali para sa mga politiko ang pagsuporta dito dahil maaaring maapektuhan ang kanilang boto o malagay sa hindi maganda ang kanilang popularidad. Maliban pa ito sa usapin ng Canon Law o karapatan ng simbahan sa mga ritwal nito gaya ng kasal.

Marami nang naging debate at usapin ang ibinabato lalo na ng Simbahan para tutulan ang diborsyo. Para sa kanila, ang pinag-isa ng Diyos ay hindi dapat pahiwalayin ng tao.

Isa itong sagrado at banal na seremonya para sa kanila. Espekulasyon nila, kung mapapayagan daw ang diborsyo ay malaki ang posibilidad na makasisira ito ng isang pamilya. Mas mawawasak daw ng diborsyo ang pamilyang Pinoy kung papahintulutan o maisasabatas ito.

Marami pang mga argumento na ipinapangaral ang Simbahan laban sa diborsyo at makikita ito sa iba’t ibang babasahin na mayroon sila at mahahanap ito sa Internet.

Mag-search ka lang sa Google makikita mo ang sangkaterbang dahilan nila dito. Masasabi nating sila ang pinakamalaking humahadlang o “contra” dito.

Bagamat, nauunawaan natin ang sinserong pakay ni Sen. Tulfo na kausapin ang Simbahan Katolika upang hindi naman nila masabing binalewala sila sa usapang ito, at bilang pagkilala at respeto na rin sa karapatan ng Simbahan. Pero, makikinig ba talaga sila?

Sa matagal na panahon po, sa dami na ng mga argumento tungkol dito, wala pong pinakinggan ang Simbahang Katolika. Sila po ang lagi at consistent na tumututol dito.

Sa totoo lamang po, pabor po tayo na maisabatas ang diborsyo dito sa Pilipinas. Hindi po tayo takot na manindigan hindi dahil hindi tayo politiko pero kailangan na rin po nating magsalita tungkol dito. Bakit po tayo pabor dito?

Unang-una po, hindi po diborsyo ang sumisira sa pamilya. Ang sumisira po sa pamilya ay mga gawaing labag na rin sa batas natin.

Naririyan ang pang-aabuso, pisikal at mental man, sa asawa. Gugustuhin po ba nating itali habang buhay ang isang babae na halos araw-araw bugbugin ng kaniyang asawa na lasenggero? Habang nakikita ng kanilang mga anak na walang magawa at sinasaktan din?

Kung ang napangasawa mo ay lulong sa sugal, droga at iba pang bisyo at nauubos sa harapan mo ang inyong pinundar na yaman para sa inyong pamilya lalo na sa inyong mga anak, tititigan mo na lamang ba ito dahil hindi ka makawala sa isang kasal na mas sumisira sa buhay ng inyong mga anak?

Gugustuhin po ba natin na hayaan na lamang na walang magawa ang isang asawa habang may ibang babae o lalaki ang kaniyang asawa at paulit-ulit itong ginagawa?

Sa kultura po nating mga Pilipino na aminin man natin patriyalkal pa rin tayo hindi man hayagan. Ang lalaki pa rin ang kadalasang sinusunod sa pamilya at nanatiling tahimik o sumusunod na lamang ang babae.

Sa tingin po ba natin gusto po ba nang Diyos na nakikita niya ang kaniyang anak na araw-araw nagdurusa sa pagkakamali sa kaniyang napiling mapangasawa?

Gusto bang nakikita nang Diyos na lumalaki ang mga bata na nakikita ang kanilang magulang na walang pagmamahalan?

Hindi po ang diborsyo ang sumisira sa pamilya at hindi rin po kasal ang nagpapanatili na buo ang pamilya kundi ang pagmamahalan.

May mga nagsasama po na hindi pa kinakasal pero buo at masaya ang kanilang pamilya. Hindi sila maikasal minsan kasi mahal ang bayad sa Simbahan. May mga ikinasal naman na naghihiwalay din dahil talagang hindi uubra ang pagsasama.

Kaya upang magbigyan ng karapatan ang sinuman na kumalas sa isang kasal kailangan ng diborsyo sa bansa.

Kung nagkamali sila ng desisyon sa kanilang napiling pakasalan bigyan sila ng pagkakataon na maitama ito. Kung ang mga bilanggo nga binibigyan natin ng pangalawang pagkakataon sa kanilang pagkakasala, bakit hindi ang isang tao o mag-asawa na nagkamali sa kanilang naging desisyon?

Kung desisyon nga nila iyon. Dahil alam naman natin na may mga ikinasal na ipinagkasundo lamang o di kaya’y napilitan gaya nang nabuntis tapos pipiliting pagsamahin sa pamamagitan ng kasal.

Dahil walang pagmamahal nauuwi din sa hiwalayan.

Siguro, katulad ni Sen. Tulfo, kahit suntok sa buwan, baka nga naman makumbinsi na rin ang Simbahang Katolika sa mga reyalidad na mayroon sa buhay mag-asawa.

Kung hindi naman, kailangang maging matibay ang mga mambabatas kung sa tingin nila na may positibong maitutulong ang diborsyo sa bansa.

Dahil katungkulan pa rin ng Estado na pangalagaan ang kaniyang mga mamamayan pati na sa hindi magandang buhay sa loob ng bahay. Kailangan pa rin nating tandaan na nananatiling mas mataas pa rin ang batas ng Estado kesa sa Simbahan.

At siya nga pala, mas mainam na tigilan na ng Simbahan ang pagiging ipokrito. Tandaan natin na ang kasaysayan ng Simbahan ay punong-puno rin ng mga insidente ng pang-aabuso, partikular sa mga kababaihan at mga kabataan.

Aber, kaya nga hanggang ngayon, hindi maisalin ng buo sa Tagalog/Filipino ang Noli Me Tangere at El Filibusterismo ni Rizal, dahil puno ito ng mga eskandalo ng mga kaparian.

AUTHOR PROFILE