
Mark nagkomento na sa relasyon niya sa singer-businessman na si Jojo Mendrez

NAGING malaking usap-usapan ang presscon ng tinatawag na Revival King na si Jojo Mendrez kamakailan sa Dapo Restaurant sa Quezon City.
Gumawa ng ingay ang pangalan ni Jojo sa iba’t ibang dahilan.
Matapos ilabas ang kanyang revival song na ‘Somewhere in My Past’ ng yumaong young actress na si Julie Vega, umani ito ng milyun-milyong views (45M) sa iba’t ibang streaming platform.
Kaya naman, napansin siya ng Star Records at nang araw na ‘yun, nagkaroon siya ng contract signing kasama ng music head ng ABS-CBN na si Jonathan Manalo para sa paglalabas ng bagong awitin niyang ‘Nandito Lang Ako.’
Pero mga ilang araw bago ang presscon ng Aqueous Entertainment para kay Jojo, may mga naglabasang litrato ang singer-businessman kung saan kasama niya ang aktor na si Mark Herras sa Okada Resort Hotel and Casino.
Binigyan ng malisya ng marami ang naturang mga larawan, pero kaagad naman itong nilinaw ng kampo ni Jojo. Anila, kasama si Mark sa music video na gagawin ni Jojo at naroon sila para sa ilang pag-uusap.
Pero hindi pa rin tumigil ang usap-usapan. Nagkaroon ng pagkakataon ang isang ABS-CBN reporter na tanungin si Jojo. Ang sagot niya: “No comment. Pasensya na. ‘Yan nga ‘yung pinagdadaanan ko ngayon eh. ‘Yung video na lumabas na ‘yan, napaka-malicious. Kaya nga sabi ng management huwag ko na sagutin, kasi kahit sabihin ko na hindi, sasabihin ng tao ay oo. Kung sasabihin ko naman ay oo, sasabihin naman ng tao ay hindi. So saan ako lalagay?”
Dagdag pa niya: “Kasi nga ang tao madaling mag-judge kung ano ang nakita nila ‘yun na ‘yun. I cannot explain to everyone na ito ‘yung totoo. Siguro kung makita n’yo siya (Mark), pwede n’yo siyang tanungin.”
Fast forward sa presscon. Ang ikinagulat ng mnarami, habang ipinaririnig ni Jojo sa mga media people sa naturang presscon ang kanyang bagong awitin, biglang sumulpot si Mark na may dalang bulaklak para ialay kay Jojo. Lalong lumalim ang istorya nang pagkatapos ng naturang song number, hindi na nakaupo si Jojo sa presidential table para sa question and answer dahil, diumano, sumama ang pakiramdam nito.
Hindi na rin natanong si Mark dahil pagkatapos nitong magbigay ng bulaklak, bigla na rin itong umalis.
Pero nagkaroon ng pagkakataon ang TV5 reporter na si MJ Marfori na makausap si Mark sa story conference ng isang horror film noong Lunes, Pebrero 24. At dito, nagkaroon ng kasagutan ang tanong ng marami tungkol sa kanila ni Jojo .
Paliwanag niya: “Baka kasi nakakalimutan nila na I was raised by gay parents so hindi…
“Kumbaga, kung sa kanila parang malaswa, sa akin, hindi siya masamang tingnan kasi pinalaki ako ng gay parents.
“So, magaling at malaki ang respeto ko sa mga kapwa LGBTQ.”
Pareho nang pumanaw ang adoptive parents ni Mark na sina Claudio Herras Jr. (Daddy Jun noong 2014) at Herminigildo Santos (Tito Hermie noong 2016).
Dahil dito, hinihiling ni Mark na huwag nang lagyan ng malisya ang pagkakaibigan nila ni Jojo dahil purely business at friendship lamang ito.