
Marian, karay si Dingdong sa Israel
LUMIPAD ang mag-asawang Dingdong Dantes at Marian Rivera nu’ng Lunes ng gabi patungong Eilat, Israel kung saan tatayo ang aktres bilang isa sa mga hurado sa 70th edition ng Miss Universe pageant.
Obviously, tatayong chaperone ng misis niya ang aktor na kalalabas lang, actually, mula sa lock-in taping ng Alternate kasama ang dating Kapamilya na si Beauty Gonzalez.
Ang AlterNATE ay parte ng second season ng Kapuso drama anthology na I Can See You.
Parehong first timers sa Israel sina Marian at Dingdong kaya hindi malayong sasamantalahin nila ang pagkakataon na mag-bonding nang sila lamang dalawa.
Sa digital presscon ng announcement ng pagiging Miss U judge ng Kapuso Primetime Queen, nabanggit niya na siguradong mami-miss niya ang mga anak na sina Zia at Sixto dahil mula nang mag-Covid-19 pandemic, ito na ang pinakamatagal na panahong mawawalay siya sa kanila.
Pero, sigurado naman daw si Marian na paglaki-laki ng dalawang bagets, eh, maiintindihan nila kung bakit kinailangan niyang tanggapin ang pagiging hurado ng prestiyohosong pageant.
Bukod kay Dingdong, siyempre ay kasama rin sa biyahe ang glam team ni Marian, sa pangunguna ng make-up artist niyang si Steven Doloso, hairdresser na si Vien Nueva at stylist na si Melville Sy.
Magiging super busy daw siya pagdating ng Israel sa dami ng aktibidades na naka-schedule sa Miss U kaya hindi ini-expect ni Marian na makakasingit siya sa pasyal doon.
Anyway, pulos Pinoy designers ang may gawa ng mga susuotin niyang gowns at cocktail dresses sa lahat ng function na pupuntahan.
Sa huling bilang ni Marian, mga walo hanggang siyam na maleta ang bibitbitin nila sa Israel.