Default Thumbnail

Malls sa Maynila may bakunahan para sa edad 5-11

February 11, 2022 Jonjon Reyes 316 views

ILANG mga malls sa lungsod ng Maynila ang bukas na rin para sa bakuna kontra COVID-19 sa mga bata.

Ang mga mga malls ay may mga vaccination site para sa pediatric age mula 5 hanggang 11 taong gulang simula ngayong araw.

Sa ibinahaging impormasyon ng Manila Public Information Office (MPIO), maaari nang magtungo sa SM San Lazaro, SM Manila, Robinson’s Place Manila, at Lucky Chinatown Mall ang nasabing age group para magpabakuna gamit ang Pfizer vaccine.

Sisimulan ang bakunahan alas-10 ng umaga hanggang hangang maubos ang inilaang 500 doses.

Nauna nang binuksan para sa pagbabakuna ng 5-11 taong gulang ang Manila Zoo at Ospital ng Maynila.

Hindi lamang ang edad 5-11 ang maaring bakunahan sa nabanggit na vaccination sites kundi pati ang 12-17 taong gulang para sa kanilang 1st and 2nd dose vaccination.

Gayundin ang kabilang sa A1-A5 priority groups at ang mga nais magpa-booster shot.

Dagdag pa rito, sinabi ni Manila Mayor Isko Moreno Domagoso, sinimulan din ngayong araw ang pagbabakuna para sa booster shot sa dalawang kilalang fastfood chain sa lungsod ng Maynila na McDonald’s at Jollibee.

Maaaring magpabakuna ng booster shot gamit ang AstraZeneca vaccine sa mga branch ng McDonald’s sa P. Campa, Lepanto, Paco, at Adriatico gayundin sa mga sangay ng Jollibee sa Legarda at North Harbor.

Patuloy naman ang isinasagawang 24/7 drive-thru vaccination sa Quirino Grandstand para sa mga 4-wheels na sasakyan gayundin ang drive-thru sa Kartilya ng Katipunan para naman sa mga rider ng 2-wheels motorcycle at bisikleta, sa mga community vaccination sites, at health centers.

Maging ang door-to-door na pagbabakuna ni Manila Vice Mayor Maria Sheilah “Honey” Lacuna-Pangan para sa mga bedridden citizen sa lungsod ng Maynila ay patuloy na isinasagawa. Jon-jon Reyes at C.J Aliño

AUTHOR PROFILE