
Malisyosong senglot nasampolan ng Bawal Bastos Law
SWAK sa selda ang 34-anyos na lasing na lalaki nang magparamdam at magpamalas ng pagnanasa sa dalagang kapitbahay Huwebes ng gabi sa Malabon City.
Kaagad iniutos ni Malabon police chief P/Col. Jay Baybayan sa Women and Children’s Protection Desk (WCPD) na sampahan ng kasong paglabag sa Republic Act 11313, o ang Safe Spaces Act na mas kilala bilang Bawal Bastos Law, sa piskalya ng Malabon City ang suspek na si alyas “Ronel” matapos magreklamo ng 18-anyos na dalagang kapitbahay.
Lumabas sa pagsisiyasat ni P/SSg. Mayett Simeon ng WCPD na magtutungo sana sa pampublikong palikuran sa loob ng basketball court sa Womens Club Street, Barangay Hulong Duhat ang biktima dakong alas-10 ng gabi nang mapuna niya ang malisyosong pagkakatitig sa kanya ng suspek na noon ay nasa impluwensiya umano ng alak.
Dahil nabastusan na sa may pagnanasang titig, nagpasiya ang dalaga na huwag na lang tumuloy sa palikuran subalit nilapitan umano siya ng suspek at pilit na pinapapasok sa public toilet.
Kaagad na tumalilis pabalik sa kanilang tindahan ang dalaga, subalit sinundan pa rin siya ng lasing na kapitbahay kaya’t nagpasiya na siyang humingi ng tulong kina Danilo Mendoza at Romeo Santos, kapuwa tanod ng Bgy. Hulong Duhat, na silang dumakip kay Ronel at nagdala sa tanggapan ng WCPD sa Malabon Police Station.