Maine

Maine, suko na sa ilang AlDub fans

November 8, 2022 Vinia Vivar 463 views

Inamin ni Maine Mendoza na hanggang ngayon ay may AlDub fans pa rin na naniniwala na mag-asawa sila ni Alden Richards at may anak na sila.

Ang AlDub ang tawag sa phenomenal loveteam nila ni Alden na nagsimula sa Eat Bulaga noong 2015.

Ayon kay Maine sa panayam sa kanya ni Ogie Diaz, dumating siya sa point na isa-isa pa niyang mini-message ang fans para ipaliwanag na magkaibigan lang sila ni Alden at screen partners lang talaga sila.

“‘Yung iba, nag-stop na mag-support which is totally okay din lang naman, pero meron pa rin po na hanggang ngayon, kumakapit pa rin do’n. So, ‘yun ‘yung hindi ko rin ma-tolerate and I tried calling them out couple of times already pero ayaw po nila talagang maniwala,” sey ni Maine.

Dagdag pa niya, ‘’Yung iba, parang kapit na kapit sila na mag-asawa kami ni Alden, may anak na kami. Totoo po ito! At marami na rin po akong mga tao na dinirect message sa Twitter to tell them na wala pong katotohanan.”

Pero may mga tao pa rin daw na hindi naniniwalang siya ‘yung mismong nag-DM at admin lang daw ito ng kanyang Twitter account.

“Parang umabot na lang din po ako sa point na nakakapagod na mag-explain and I don’t think there’s something that I can do para sa mga taong ito. So, wala na akong magagawa,” aniya.

Pero marami naman daw fans na hanggang ngayon ay sumusuporta pa rin sa loveteam kahit may kanya- kanya na silang buhay and for that, very grateful siya.

Naiintindihan naman daw niya ang pinanggagalingan ng ibang nagagalit na fans na hindi sila nagkatuluyan ni Alden.

In fact, very thankful and grateful siya hanggang ngayon sa pagmamahal at suporta na AlDub Nation sa kanilang dalawa.

AUTHOR PROFILE