Maine

Maine at Pokwang, mga pambato ng BuKo channel

July 6, 2021 Ian F. Fariñas 561 views

ANG lifestyle-oriented show ni Maine Mendoza na #MaineGoals ang isa sa mga magiging pambato ng bagong 24/7 comedy channel na BuKo (Buhay Komedya) simula August 2.

Ang #MaineGoals ay itinuturing na BuKo Originals. Passion project ni Maine at kakaiba sa iba pa niyang mga programa dahil doon ay ipapakita niya ang tasks o goals mula sa kanyang bucket list.

Kabilang din sa BuKo Originals programming block ang Kusina ni Mamang ni Pokwang at ang kuwelang News Patol na magre-report ng mga patolang balita.

Sa virtual media launch ng BuKo, kung saan nagsanib-pwersa ang APT Entertainment at Cignal TV executives, sinabi ni Direk Mike Tuviera (APT CEO at president), na matagal nang pangarap ni Maine na gumawa ng ganitong klase ng programa.

Mahiyain daw talaga si Maine sa totoong buhay, very sheltered, kaya naman ang main goal ng bagong show nito ay “to take her out of her comfort zone.”

Katunayan, may isang episode siyang ipi-feature tungkol sa farm life.

Dagdag pa ni Direk Mike, napakaraming ideya ni Maine sa ngayon kaya makakaasa ang fans ng dalaga na maraming shows ang naka-line-up sa kanya sa BuKo.

Pero dahil may ongoing sitcom ito sa kabilang istasyon, hindi prayoridad ni Maine ang paggawa nito.

“Excited si Maine to have a new home in BuKo for those shows,” banggit pa ni Direk Mike, na ang sister company ng APT na Triple A ang siyang nagma-manage sa career ng original Dubsmash Queen.

Anyway, bukod sa BuKo Originals, handog din ng comedy channel ang comedy classics, hit sitcoms at gag shows sa Tawang Pinoy Klasiks at Throwback Tawanan blocks.

Sa Tawang Pinoy Klasiks, nariyan ang well-loved Pinoy comedy classics gaya ng Iskul Bukol, Wow Mali, Bubble Gang, OGAG, Loko Moko, Tropang Trumpo at iba pang comedy TV hits.

Sa Throwback Tawanan, matutunghayan ang iba’t ibang sikat na comedy series at game shows na kinagiliwan ng mga manonood, tulad ng Pidol’s Wonderland, Celebrity Samurai, Mac and Chiz, Sugo mga Kapatid at iba pa.

Ang BuKo Channel ay available sa Cignal TV Channel 2 at SatLite Channel 2. Puwede rin itong ma-access sa Cignal Play app sa App Store at Google Play.

AUTHOR PROFILE