Default Thumbnail

‘Maging Matiisin’! magbabalik

April 29, 2023 Jun I. Legaspi 670 views

MATAPOS pansamantalang pahintuin ng pandemiya, muling napili ng isa sa pinakamalaking organisasyong nag-oorganisa ng mga kombensiyon sa buong mundo ang Metro Manila na pagganapan ng 2023 “Maging Matiisin”! Kombensiyon.

Ang tatlong-araw na kombensiyong ito ay gaganapin sa mga piling lokasyon sa buong mundo.

Sa mga buwan ng Mayo hanggang Agosto bago magsimula ang pandemiya noong 2020, karaniwan nang napupuno ang mga hotels at restaurants sa Metro Manila ng mga Saksi ni Jehova na dumadalo ng kanilang mga taunang kombensiyon sa SMX Convention Center, Cuneta Astrodome, Paco Arena Events and Sports Center, at Metro Manila Assembly Hall of Jehovah’s Witnesses.

Dahil sa pandemiya, pansamantalang napahinto ang mga in-person taunang pagtitipon ng mga Saksi ni Jehovah sa buong mundo, kasali na ang Metro Manila, ipinagpatuloy itong ganapin bilang mga virtual events gamit ang 500 iba’t-ibang wika. Simula sa Mayo 26, 2023 muling ibabalik ang kapana-panabik na mga in-person kombensiyon ng mga Saksi ni Jehova sa Metro Manila.

“Kombinyente at napakataas ng kalidad ng aming mga virtual conventions, na-enjoy talaga namin ang mga iyon, pero wala pa ring makapapalit sa kagalakan na magkakasama kami sa malalaking pagtitipon,” ang sabi ni James Morales tagapagsalita ng mga Saksi ni Jehova.

“Kahit na naging posible na makadalo ang milyon-milyong tao sa buong mundo sa aming mga online conventions, at nakatulong ito sa pagpapanatiling ligtas ng kalusugan ng komunidad, sabik kaming muling madama ang kaligayahang naidudulot ng aming malalaking pagtitipon,” dagdag pa ni Morales.

Nasa 6,000 kombensiyon ang gaganapin sa buong mundo bilang bahagi ng 2023 “Maging Matiisin”! serye ng mga Kombensiyon. Dito lang sa Pilipinas, mahigit 170 kombensiyon ang gaganapin sa humigit-kumulang 90 host cities.

Mula Biyernes hanggang Linggo, anim na sesyon ng kombensiyon ang susuri at tatalakay sa napakagandang katangian ng pagiging matiisin.

Itatampok dito ang kahalagahan ng pagiging matiisin, na kailangang-kailangan sa panahon natin, sa pamamagitan ng mga halimbawa sa Bibliya.

Masasaksihan ng mga dadalo ang bautismo na bahagi ng sesyon sa Sabado ng umaga. Tampok din sa Kombensiyon ang “prerecorded Drama” na mapapanood sa dalawang bahagi sa pang hapong mga sesyon ng Sabado at Linggo.

“Ang pagiging matiisin ay isang napakagandang katangian na gustong linangin at ipakita ng mga Kristiyano sa kanilang araw-araw na buhay,” sabi ni Morales. “Sa kabila ng ating mabuting hangarin, mahirap manatiling matiisin dahil sa iba’t-ibang hamon sa buhay, araw-araw na nasusubok ang pagkamatiisin natin. Kaya talagang napapanahon para sa ating lahat ang tatlong araw na pagtalakay sa katangiang ito.”

Sa buong mundo, mahigit 100 taon nang nagdaraos ng mga pampublikong kombensiyon ang mga Saksi ni Jehova, idinaraos nila ito sa mga istadyum, arena, convention centers at mga pampublikong bulwagan.

Matapos ang matagumpay na pagbabalik ng mga Saksi ni Jehova sa kanilang mga in-person meetings at pampublikong pangangaral noong 2022, ang mga gaganaping kombensiyon sa mga gitnang buwan ng 2023 ang hudyat ng pagbabalik muli ng kanilang malaking mga pagtitipon sa buong mundo magmula nang alisin ang mga restriksyong idinulot ng pandemiya.

Ang kombensiyon ay bukas sa publiko at walang bayad. Para sa higit na impormasyon sa programa, mga lokasyon at petsa ng kombensiyon, pakisuyong bisitahin ang jw.org/tl at i-explore ang seksiyon “Tungkol sa Amin.”

AUTHOR PROFILE