Default Thumbnail

Maging matibay sana si Sec. Cimatu

April 22, 2021 Paul M. Gutierrez 289 views

NAGBABALA si Department of Environment and Natural Resources (DENR) Sec. Roy Cimatu na dadaan sa butas ng karayom ang mga mining applications matapos bawiin ni Pangulong Rodrigo Duterte ang moratorium sa mga bagong mining operations nitong Abril 14.

Halos siyam na taon din ang nasabing moratorium na inisyu ni dating Pangulong Noynoy Aquino noong 2012 sa bisa ng Executive Order (EO) 79. Pero inamyendahan na ito ni Pangulong Duterte sa bisa naman ng EO 130.

Para sa mga malalaking minahan na pawang pinatatakbo ng mga dayuhan ay isang magandang balita ito.

Malamang ay naglalaway na naman ang mga ito na pagkakitaan ang natural resources ng ating bansa. At naniniwala tayo na hindi basta-basta makakapag-operate ang mga malalaking minahang ito na walang proteksiyon.

Kaya naman sana nawa ay maging matibay si Sec. Cimatu sa mga dambuhalang minahang ito na tiyak na pagkakakitaan matapos sirain ang ating kalikasan.

Malamang ibayong pressure ang kakaharapin ng nasabing ahensiya sa pagkakabawi ng moratorium na ito.

Alam natin na may pangangailangan ang bansa ngayong pandemya at inaasahan na makatutulong ang mga minahan sa ating ekonomiya.

Subalit sa kasaysayan ng mga minahan sa ating bansa, pawang pagkasira ng ating kalikasan ang nangyayari.

Ang masaklap pa dito, direktang apektado ang mga mamamayan sa pinsalang naidudulot ng pagkakalbo ng kabundukan.

Hindi na natin kailangang isa-isahin pa ang mga trahedya na naranasan ng ating mga kababayan. Ang tanong natin may nanagot ba sa mga trahedyang ito?

Halimbawa na lang ang nangyaring mining disaster ng Marcopper sa probinsiya ng Marinduque na hanggang ngayon ay pinagdudusahan ng mga residente ang epekto nito mula pa Marso 1996. Ngayong House Speaker na si Rep. Lord Allan Velasco sana naman ay may signipikante itong magawa sa trahedyang ito sa kaniyang sariling probinsya.

Maging dito sa Metro Manila ay ramdam natin ang matinding epekto ng pagbaha gaya ng nararanasan ng mga taga-Marikina, Pasig, at ilang bahaging Quezon City. Nito lamang nakaraang lingo isang grupo ang nanawagan na proteksiyunan ang Upper Marikina River Basin Protected Landscape sa Rizal.

Alam natin na may pangangailangan magmina subalit kailangan nating tiyakin na maayos at ligtas itong naisasagawa.

Tiniyak naman ito ni Sec. Cimatu na naglagay na umano ang DENR ng karagdagang environmental measures upang tiyakin na mabalanse ang pangangalaga sa kapaligiran at ang pang-ekonomiya at panlipunang pananagutan ng industriya sa pagmimina.

Subalit ang tanong natin lagi, sa kabila ng maraming mababangong salita ay ano ang mangyayari sa implementasyon?

Walang ibang ahensiya ng gobyerno ang magtatanggol at mangangalaga sa ating kalikasan kundi ang nasabing ahensiya.

Kaya muli, nawa ay maging matibay si Sec. Cimatu na harapin ang pressure mula sa mga dambuhalang minahan na ito na tiyak na gutom na gutom ay uhaw na uhaw magmina matapos ang ilang taon ng “pagkakahimbing.”

AUTHOR PROFILE