Default Thumbnail

Mga artistang galit sa gobyerno umaapela ng tulong

April 21, 2021 Allan L. Encarnacion 418 views

NATATANDAAN nyo naman siguro iyong mga artista, composer, director at mga stage actors na gumawa ng koro laban sa Duterte administrasyon?

Naisulat ko rito nito lang nakaraang linggo ang tungkol sa kolaborasyon ng mga taong ito sa pagkanta ng theme song ng Broadway famous musical stage play na naging pelikula pa.

Sa 3rd year pa lang ni Pangulong Duterte sa Palasyo (baka nga 2nd year pa lang iyon) ay inilabas na ng mga taong ito ang music video na nag-iimbita ng galit sa mga tao laban sa gobyerno.

Iyong theme song na “Do you hear the people sing?” ay tumatalakay sa pag-aaklas ng taumbayan sa Les Miserables laban sa mga mayayaman, mga nasa kapangyarihan at mga maimpluwensiya sa lipunan.

Ginawan ng Tagalog version ng mga artists natin ito at inilabas sa social media ang music video laban sa pamahalaan.

“Di nyo ba naririnig…tinig ng bayan na galit?…

“Himig ito ng Pilipinong di na muli palulupig”

“Dudurugin ang dilim…ang araw ay mag-aalab”

“At ang mga pusong nagtitimpi ay magliliyab.”

Ang problema sa ilang kasama sa music video laban sa Duterte administration ay nag-endorso pa ng mga natalong kandidato noong 2016 kaya puwede mong sabihing wala naman silang kredibilidad.

Ito ang mas matinding isyu ngayon, iyong mga kasama sa music video na naghihikayat ng rebolusyon ay umaapela ngayon at nagmamakaawa sa pamahalaan na isama naman daw sila sa priority list ng mga babakunahan.

Iyong isang prominente sa music video, nakita ko na lang sa mga pahayagan na kasama ng tatay na nagpabakuna. Nakangisi at naka-heart sign pa sila!

Iyong isa pa sa mga nasa music video, may plakard pa ngayon at humihingi ng tulong sa gobyerno para sa ayuda dahil marami raw sa kanila ang hindi na kumikita.

Namalik-mata ako, akala ko nanaginip lang ako sa aking mga nakita. Tingnan mo nga naman ang buhay, ang mga taong ito na ipokrito to the highest level ay nakaluhod ngayon at nakadipang nagmamakaawang mapansin ng tulong ng gobyerno na gusto nilang pabagsakin.

Tama naman na obligasyon ng pamahalaan ang lahat ng kanyang mamamayan, anuman ang estado sa buhay. Pero ang tanong, bakit noong kumakanta sila at nag-iimbita ng rebolusyon ay hindi nila naisip na isang araw ay hihingi rin pala sila ng tulong sa gobyernong kinakastigo nila?

May iba pang artista diyan na binatikos ang mga bakuna, lalo na ang galing sa China, pero hindi pa man natatapos ang priority list, nabakunahan na sila!

“May comorbidities kasi kami kaya nagpabakuna na,” sabi ng mga artistang sumingit pa sa pila.

Neknek nyo, ang sabihin nyo, mahilig talaga kayong kumain ng inyong mga isinuka tulad ng mga nasa music video laban sa gobyerno.

Sabi sa isang paborito kong success and failure line, “Huwag mong kakalimutan ang mga taong dinadaanan mo paakyat dahil sa iyong pagbaba, sila rin ang iyong madadaanan.”

Ang gobyerno na gusto nilang ibagsak noon, ay ang mismong gobyerno na gusto nilang magpakupkop ngayon!

Kunsabagay, sino ba naman sa kanila ang nakakilala sa salitang prinsipyo? [email protected]