Dotr

Madrona, Frasco: Mas maayos na airports, mas maraming turista

July 22, 2023 Mar Rodriguez 343 views

NANANAWAGAN ang House committee on tourism sa Department of Transportation (DOTr) na kailangan nitong pagbutihin o ayusin ang kalunos-lunos na sitwasyon ng mga airport sa bansa para mas lalo pang makahatak ng mga dayuhang turista sa Pilipinas.

Ipinaliwanag ni Romblon Rep. Eleandro Jesus “Budoy” F. Madrona, chairman ng committee on tourism sa Kamara, na ang mga paliparan ang “gateway” ng bansa kung saan inilalarawan mismo nito ang “first impression” ng mga pumapasok na dayuhan sa Pilipinas.

Sinabi ni Madrona na katulad sa isang bisitang pumapasok sa isang tahanan, kung masama na agad ang impression ng mga dayuhang turista sa mga airport pagpasok pa lamang nila ng bansa ay hindi maiiwasang ganito na rin ang maging impression nila sa Pilipinas.

Dahil dito, binigyang diin ng kongresista na kailangang maging kaaya-aya ang sitwasyon sa mga airport sa pamamagitan ng pagsasaayos ng DOTr sa mga pasilidad nito upang hindi madismaya o mawalan ng gana ang mga dayuhang turista na nagpupunta sa Pilipinas.

Ayon kay Madrona, mawawalan ng saysay umano ang promotion at panghihikayat ng Department of Tourism sa mga dayuhang turista na magpunta sa Pilipinas kung napakasama naman ng kalagayan ng mga airport, sapagkat ito ang una nilang pinupuntahan papasok ng bansa.

Ganito rin ang naging pananaw ni House Deputy Speaker at Cebu 5th District Rep. Vincent Franco “Duke” D. Frasco, na napakahalagang maisaayos ang mga paliparan sa bansa para mas lalong ma-engganyo ang mga dayuhan na magpunta sa Pilipinas.

Kasabay nito, umaasa si Frasco na magkakaroon pa ng maraming infrastructure projects ang Marcos Jr. administration para magbigay benepisyo sa tourism sector, kasunod ng unti-unting pagbangon o gradual recovery ng turismo ng bansa matapos ang halos dalawang taong pandemiya.

AUTHOR PROFILE