
LPG tank sumabog sa karinderia sa Makati
BINULABOG ng malakas na pagsabog ang mga residente ng isang barangay Miyerkules ng umaga sa Makati City.
Sa ulat ng Makati City Bureau of Fire Protection (BFP), dakong alas-7:54 ng umaga nang sumabog ang isang tangke ng liquefied petroleum gas (LPG) sa isang karinderiya sa kanto ng Arnaiz at Tengco St. Brgy. Pio Del Pilar sa hindi pa matukoy na dahilan.
Lumikha pa ng sunog ang pagsabog bagama’t kaagad ding naapula makaraang makapagresponde kaagad ang mga tauhan ng barangay, gamit ang dala nilang fire extinguisher.
Nang dumating ang mga tauhan ng Makati BFP, idineklara na nilang “fire out” ang sunog dakong alas 8:12.
Wala namang iniulat na nasawi o nasugatan sa naturang insidente habang patuloy pa rin ang isinasagawang imbestigasyon ng mga arson investigators upang alamin ang dahilan ng pagsabog.