Lolit

Lolit kay Willie: Nasaan ang novelty mo?

March 7, 2022 Ian F. Fariñas 460 views

WilliePARA sa talent manager/showbiz columnist na si Lolit Solis, hindi wise move ang balak ng TV host/comedian na si Willie Revillame na mag-show sa Facebook matapos mawala sa GMA Network.

Demotion ang tawag ni ’Nay Lolit sa career move na iyon ni Willie dahil mula sa isang major TV network, eh, sa isang social media platform na lang ito mapapanood habang wala pang linaw ang mga bagay-bagay sa AMBS ni dating Sen. Manny Villar.

“Parang ang tingin ko, kung galing ako sa isang major TV tapos bababa ako sa Facebook, demotion ’yon. So kung talagang nag-iisip siya, ’di niya dapat ginagawa.

“’Yun lang, ’wag mong gawin. Magpahinga ka. Kasi, kumbaga, ’di ba, ’yung parang ‘o, wala muna ako sa big tv, hintayin n’yo ko dahil pagbabalik ko, ibang Willie na makikita n’yo. Baka naka-recharge na ako. Hindi ’yung sasagarin ko na naman sarili ko sa isang mas smaller na medium pagkatapos saka babalik ka sa malaki? Parang, ’asan ang novelty mo?” sey ng talent manager/showbiz columnist sa isang intimate lunch kahapon.

Wala raw problema kung ang inirarason ni Willie, eh, gusto niyang tumulong at mamigay ng papremyo sa publiko.

Pero bawi ni ’Nay Lolit, pwede namang gawin ’yon ni Willie kahit walang show sa Facebook kung talagang ang goal nito ay makatulong sa kapwa.

Ayon pa sa talent manager/showbiz columnist, gustung-gusto ni Willie ang mga taong inieklay-eklay siya.

“Dahil ’yung katotohanan, ’di niya maharap, ’no,” katwiran niya.

Nang may magtanong kung ano ’yung katotohanan na sinasabi niya, sagot ni ’Nay Lolit, “Kayabangan niya. Punumpuno siya ng yabang kaya nakakairita siya.

“Diyos ko, ’Day, isa sa pinakawalang kwentang kakwentuhan na tao si Willie, pabalik-balik ’yung istorya niya, chu-chu-chu-chu, chu-chu-chu-chu… saka kay Willie, never siguro akong tatanggap ng anything. Alam mo kung bakit? Kasi babalik-balikan niya ’yun lagi. Lagi niyang isusumbat sa ’yo. Image lang niya ’yun (mabait at matulungin),” hirit pa niya.

To be fair daw sa TV host/comedian, ilang beses na rin siyang naregaluhan nito.

“Ang ano ko kay Willie naman, ’pag may bigay sa ’yo, parang ’di na ’yon mabubura. Talagang forever na ’yon, nakatanim na ’yon sa utak niya, forever na ’yon. Hahaha!” paliwanag ni ’Nay Lolit.

Paglilinaw niya, wala siyang galit kay Willie.

Aniya, “Alam mo si Willie, dapat hindi mo kagalit, hindi mo kabati. Parang ’andu’n lang siya, kakilala mo lang siya. Kasi ’pag kinaibigan mo siya, masasaktan ka du’n sa, ’yun nga, mga diskarte niyang ano. ’Pag kaaway mo naman siya, mapipikon ka lang dahil mahilig mamikon si Willie. Basta ganyan lang siya, parang kakilala mo lang siya.”

Hindi naman kaya nate-threaten lang siya sa magiging online show ni Willie dahil may sarili rin siyang online show kasama si Mr. Fu, ang Take It! Take It! Me Ganu’n, na napapanood tuwing Martes ng tanghali mula sa Super Sam resto?

Sagot ni ’Nay Lolit, “Ano naman, eh, kasi ’yung show namin, ano naman eh, hindi ’yon trabaho. Wala ’yon pressure ’di kagaya ng talagang matatakot ka baka ’di mag-rate. Ako nga, ang utang na loob na tinatanaw ko ke Papa Miguel (Belmonte, Take It!… producer), I’m sure, patapon ’yung pera niya du’n sa show.”

Diin niya, masaya siya sa show dahil hindi nga niya ito itinuturing na trabaho. Walang stress, walang pressure at walang threat-threat.

Kahit sino pa raw ang itapat sa kanila, ayos lang sa kanya.

“Habang hindi trabaho ’yung show, okey sa akin. Pero ’pag trabaho na, ayoko na. Masaya pa (ako sa show),” giit niya.

Nabanggit din ang dati nilang kasamahan sa show na si Cristy Fermin at ayon sa talent manager/showbiz columnist, ka-text niya ito kamakailan lang.

Sabi ni ’Nay Lolit, “Okey daw sa kanya ’yung samahan, kaya lang ayaw na niya dahil hindi na siya masaya. So, hindi ko naman alam paano ika-qualify ’yung bakit hindi na siya masaya. Ayaw ko naman tanungin na ’yon.”

AUTHOR PROFILE