Default Thumbnail

Lola, 63, nilaslas leeg ng gunting

November 20, 2022 Melnie Ragasa-limena 355 views

HINIHINALANG pinagpapalo muna ng kahoy sa ulo ang 63-anyos na lola bago nilaslas ang leeg gamit ang gunting ng mga hindi pa nakikilalang suspek sa loob ng tahanan nito sa Quezzon City, Sabado ng hapon.

Ang biktima ay nakilalang si Josefina Santos Lubrica, 63, walang asawa, caretaker at residente ng 124 Cordillera corner Samat St., Brgy. Lourdes, Quezon City.

Sa report ng Criminal Investigation and Detection Unit ng Quezon City Police District (CIDU-QCPD), bandang 5 p.m. (November 19), nang madiskubreng patay ang matanda sa kaniyang silid.

Batay sa inisyal na imbestigasyon ni PSSg Rhic Roldan Pittong ng CIDU, noong Nobyembre 17, bandang 2:35 p.m., iniwanang mag-isa sa bahay ng kapatid na si Melinda Lubrica ang biktima.

Pagbalik umano ni Melinda sa kanilang tahanan ay makailang ulit na umano niyang pinipindot ang doorbell ng gate, pero wala sa kaniyang nagbubukas.

Dahil dito, nagpasya si Melinda na lumipat sa isa pang gate kung saan ay nakita niyang bukas, at nang makapasok ay hinanap niya ang kapatid na si Josefina pero wala ito sa paligid ng bahay.

Sa pag-aakalang natutulog ito ay pinuntahan umano ni Melinda ang kapatid sa silid nito subalit nang buksan niya ang pinto ay bumungad sa kaniya ang matanda na duguang nakahandusay sa sahig at may nakabaon na gunting sa leeg nito.

Agad na nagtatakbo si Melinda sa labas ng kanilang tahanan at humingi nang saklolo sa kanilang mga opisyal ng Barangay Lourdes, at inireport ang insidente sa pulisya.

Nasamsam sa crime scene ng SOCO Team mula sa QCPD Forensic Unit na pinamumunuan ni PCMS Federico Manzano, ang mga fingerprint sa television screen, isang gunting na may bahid ng dugo, at dalawang piraso ng 2×2 kahoy na may habang 24 inches.

Lumitaw sa isinagawang autopsy, nagtamo ang biktima ng malalim na sugat sa leeg at mga pasa sa kanang sentido na nagresulta ng agarang pagkamatay ng matanda.

Nagsasagawa pa ng masusing imbestigasyon ang mga pulis at humingi na rin sila ng CCTV footage malapit sa tahanan ng biktima upang matukoy ang mga salarin.