BIFF

Lider ng BIFF, 11 tagasunod patay sa military air strike sa Maguindanao

April 23, 2024 Zaida I. Delos Reyes 77 views

PATAY ang leader ng Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF) at 11 tauhan nito sa isinagawang air at ground assault ng militar nitong Lunes sa Datu Saudi Ampatuan sa Maguindanao del Sur.

Kabilang sa mga nasawi sina Mohiden Animbang alyas Karialan, chairman ng BIFF- Karialan Faction at kapatid nitong si Saga Animbang na siyang tumatayong operation chief ng grupo.

Sinabi ni Philippine Army’s 6th Infantry Division Commander Major Gen. Alex Rillera na na-recover ang mga bangkay ng 12 terorista sa swampy area sa Barangay Kitango.

Nakuha din sa lugar ang 12 matataas na kalibre ng baril na pag-aari ng mga terorista.

Ayon sa opisyal, nagsimula ang operasyon ng military dakong 10:30 ng umaga sa naturang lugar na tumagal ng mahigit isang oras hanggang sa magapi ang mga kalaban.

Umaasa naman si Rillera na ang pakakapaslang sa mga terorista ay magiging daan ng pagkakaroon ng kapayapaan at pag-unlad sa komunidad.

Una nang inihayag ni Rillera na nitong nakaraang linggo ay nasundan ng mga tauhan ng Army’s First Combat Brigade ang tatlong miyembro ng BIFF na pumasok sa balwarte ng Moro Islamic Liberation Front (MILF).

“We did not pursue them because, with respect to the peace process, we do not want to be peace spoilers. Until early Monday, they were monitored to have moved out of the village, and an encounter ensued,” pahayag ni Rillera. Kasama ng Karialan Faction ay kasama ng Bungos at Toraife faction na nago- operate sa Central Mindanao area.