Konsehal Inihatid ang mga labi ng inambush na konsehal na si Roberto “Amang” Carpio Sr. sa Salonga Memorial Park sa Bgy. Sto. Cristo, San Antonio, Nueva Ecija noong Martes. Makikita si Mayor Arvin C. Salonga at Vice Mayor Julie Maxwell, anak ng mayor na si Arvin Carl, at mga miyembro ng Sangguniang Bayan sa necrological service na ginanap sa Dr. Jose Lapuz Salonga gymnasium.Kuha ni STEVE A. GOSUICO

Libo nakiramay sa libing ng inambush na konsehal

February 14, 2024 Steve A. Gosuico 329 views

SAN ANTONIO, Nueva Ecija – Libu-libo ang nakiramay at sumama sa libing ng napatay na konsehal ng bayan na si Roberto “Amang” Carpio nang ihatid ito sa kanyang huling hantungan sa isang pribadong sementeryo dito noong Martes ng umaga.

Inihatid ang mga labi ni Carpio, 61, mula sa kanilang bahay sa Bgy. Luyos patungo sa Dr. Jose Lapuz Salonga Gymnasium sa loob ng municipal hall compound dito bago siya inihimlay sa Salonga Memorial Park sa Bgy. Sta. Cruz dito.

Nakiisa sina Mayor Arvin C. Salonga, Vice Mayor Julie E. Maxwell, at mga miyembro ng municipal council sa mga barangay officials, at department heads sa pagbibigay pugay at pag-aalay ng mga panalangin at bulaklak sa napatay na opisyal sa isang maiksing necro-logical service na ginanap bilang luksang-parangal para sa kanya sa air-conditioned gymnasium dito.

“Maraming salamat po Konsehal Amang Carpio, isa kang tunay na lingkod bayan sa bayan ng San Antonio…mananatili ka sa puso namin, naway makamtam mo ang hustisya,” ang sabi ng mga dumalo sa libing ng konsehal.

Kasunod ng libing ni Carpio, sinabi ni Mayor Salonga na si Gov. Aurelio M. Umali, pinuno ng Unang Sigaw ng Partido ng Pagbabago kung saan kabilang si Carpio, ay magtatalaga ng kanyang kapalit mula sa listahan ng mga pangalan na nominado ng partido matapos ang paunang konsultasyon sa naulilang pamilya.

Una rito, inihayag ng alkalde na nagbibigay siya ng P.5-milyong pabuya para sa anumang impormasyon na hahantong sa maagang pagresolba ng kaso at pag-aresto sa mga pumatay at mastermind ni Carpio.

Pagpasok sa ikalimang araw mula nang paslangin si Carpio noong Huwebes ng dalawang hindi pa nakikilalang riding-in-tandem na suspek, inilibing ang nasawing konsehal nitong Martes habang patuloy pa rin ang paghalukay ng mga pulis sa imbestigasyon nito upang mahubaran ng maskara ang mga pumatay at umano’y utak at dalhin sila sa bara ng hustisya.

Nauna nang ipinahayag ni Col. Richard V. Caballero, pinuno ng pulisya ng probinsiya na “nakakalap na ng impormasyon ang mga police probers tungkol sa kaso ng pagpatay at ginagawa lamang ang case build-up ngunit hindi pa rin ito ubrang isapublika upang hindi maapektuhan ang imbestigasyon.”

Sa personal news blog ng reporter na ito na “Sapul Ka News,” naging viral ang nasabing istorya ng pagpatay kay Carpio at umabot ito sa 74,893 posts at 21,215 engagements. Ang kanyang Journal story tungkol sa nasabing balita na nai-post sa parehong blog ay nakakuha ng 1,912 post impressions at inabot ito ng 1,867 posts reached.

AUTHOR PROFILE